Ika-anim na Paratang: Maling kuru-kuro tungkol sa pang-aalipin

Ang pang-aalipin sa Islam ay sumasalungat sa Islamikong Konsepto ng Pagkapantay-pantay ng tao at ganap na kalayaan. Ito rin ay isang panghihimasok sa karapatan ng tao.

Paliwanag at Kasagutan

Nais naming ilarawan ang katayuan ng Islam laban sa pang-aalipin. Hindi tinatanggap ng Islam ang sistemang pang-aalipin sapagkat ang pagkakaroon ng kakaibang panlipunan at pangkabuhayang kalakaran o kalagayan ng lipunan ang siyang sanhi ng pang-aalipin bago dumating ang Relihiyong Islam. Ang kabuuan ng lipunan, noon, ay umaasa sa sistemang pang-aalipin sa pangangalaga ng kanilang kabuhayan at panglipunang pangangailangan. Katotohanan, ang sistemang pang-aalipin ay hindi lamang laganap sa ‘Arabian Peninsula’ kundi ito ay laganap sa mundo. Karagdagan pa nito, ang sistemang pang-aalipin ay ganap na kinikilala at sinusunod ng mga naunang relihiyon. Ito ay nakasaad sa Bibliya :

10. Pagka ikaw ay lalapit sa isang bayan upang makipaglaban, ay iyo ngang ihahayag ang kapayapaan doon. 11. At mangyayari, na kung sagutin ka ng kapayapaan, at pagbuksan ka, ay mangyayari nga na ang buong bayang masusumpungan sa loob ay magiging sakop mo, at maglingkod sa iyo. 12. At kung ayaw makipagpayapaan sa iyo, kundi makikipagbaka laban sa iyo, ay kubkubin mo nga siya. 13. At pagka ibinigay ng Panginoon mong Diyos sa iyong kamay ay iyong susugatan ang bawat lalake niyaon ng talim ng tabak. 14. Ngunit ang mga babae at ang mga bata at ang mga hayop, at ang buong nasa bayan, pati ng buong nasamsam doon; at kakanin mo ang samsam sa iyong kaaway na ibinigay sa iyo ng Panginoon mong Diyos. 15. Gayon ang iyong gagawin sa lahat ng bayan totoong malayo sa iyo, na hindi sa mga bayan ng mga bansang ito. 16. Ngunit sa mga bayan ng mga taong ito na ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Diyos na pinakamana ay huwag kang magtitira ng may buhay sa anomang bagay na humihinga: 17. Kundi iyong lilipulin sila…
Bibliya Lumang Tipan Deuteronomio 20:10-17

Sinusunod ng Islam ng unti-unti at ang mahabang pagbabalak na alisin at pawiin ang pang-aalipin mula sa Lipunang Islam. Katulad ng pagbabawal ng lahat ng uri ng nakalalasing na alak. Ang alak at mga inumin nakalalasing ay hindi ipinagbabawal ng Islam kaagad bagkus ito ay ginawa sa marahang hakbangin. Sa unang hakbangin, ang Allah (Diyos na Makapangyarihan), ay nagpahayag mula sa Banal na Qur’an:

“Sila ay nagtatanong tungkol sa alak at sugal, Sabihin: “Sa mga ito ay mayroong malaking kasalanan, at mayroong kapakinabangan, para sa tao; ngunit ang kasalanan ay higit kaysa sa pakinabang.”
Qur’an 2:219

Magkagayunman, nang dahil sa pagtanggap ng mga tao sa Islam bilang kanilang pamamaraan ng buhay at relihiyon, ang Allah (Diyos na Makapangyarihan) ay nagpahayag ng isa pang paalala:

“O, kayong mananampalataya! Huwag magsasagawa ng pagdarasal na ang isip ay lango, hanggang inyong maunawaan ang inyong sinasabi...”
Qur’an 2:219

Kaya, nang ang kanilang pananalig at paniniwala ay naging matibay na sila ay nagsimulang matuto at pag-aralan ang Islam ng maayos, pagpapakita ng paggalang at pagsunod sa mga Kautusan ng Allah at ang mga aral at payo ng Sugo ng Allah . Ang Allah (Diyos na Makapangyarihan) ay nagbigay ng ganap na pagbabawal para sa alak at sugal. Ang Allah (Diyos na Makapangyarihan) ay muling nagpahayag:

“O kayong mananampalataya! Ang “Khamar” at (lahat ng uri ng inuming nakalalasing, nakalalango at nakakasira ng katinuan ng isip), ang Sugal, ang Al Anzab at Al Azlam (mga palaso sa paghahanap ng kapalaran) ay kasuklam- suklam na gawain ni Satanas. Kaya’t (mahigpit) na talikdan (ang lahat ng gayong kasuklam-suklam na bagay) upang kayo ay maging matagumpay.”
Qur’an 5:90

Ang Islam ay may sinusunod na patakaran upang pawiin ang pang-aalipin mula sa Islamikong Lipunan. Ang Islam ay hindi agad-agad nag-utos na ganap na alisin ang pang-aalipin bagkus ay matalinong inubos ang lahat ng pinagmumulan ng pang-aalipin. Ang Islam ay naglalayon na maabot ang antas na kung saan ang lahat ng mga gawain ay maglalaho ng ganap.

Nagsimula ang Islam sa pamamagitan ng pagpapalaya ng kanilang mga isip at puso. Sila ay inutusang maging matatag, malusog at may kakayahan sa kalooban. Sila ay tinuruang alisin sa kanilang mga sarili ang damdaming panghihina at magkaroon ng dangal sa kanilang mga puso at isip para sa kanilang alipin sa pamamagitan ng pagtawag sa kanilang mga alipin bilang mga kapatid. Ang pang-aalipin ay hindi nanatiling ganap sa Lipunang Islam. Ang Sugo ng Allah ay nagsabi:

“Ang inyong manggagawa ay inyong mga kapatid. Iniatang ng Allah sa kanila ang paglilingkod sa inyo. Sinoman ay mayroong isang kapatid na naglilingkod sa kanya, nararapat na ito ay kanyang pakainin katulad ng kanyang kinakain, bihisan katulad ng kanyang pananamit at huwag ipagawa sa kanya ang gawaing hindi kayang gawin. At kung ito ay ipagagawa sa kanila, dapat silang tulungan.”
Hadith Bukhari

Higit pa nito, itinatag ng Islam ang karapatan ng buhay para sa isang alipin. Ang Sugo ng Allah ay nagsabi:

“Sinomang pumatay sa isang alipin ay dapat (din) patayin. Sinomang pumutol ng ilong ng isang alipin, ang kanyang ilong ay dapat ding putulin (bilang parusa) Sinoman ang nag-alis ng ari ng alipin, ang kanyang sariling ari ay dapat ding alisin.”
Hadith Bukhari at Muslim

Nag-uutos ang Islam sa mga Muslim na maging mabait at mabuti sa kanilang mga alipin at mga katulong. Ang Allah (Diyos na Makapangyarihan) ay nagsabi:

“Sambahin ang Allah, at huwag magbigay katambal ng sinoman sa Kanya at gumawa ng mabuti sa inyong mga magulang, kamag-anakan, mga ulila, mga kapitbahay na dayuhan, ang inyong mga kasamahan, ang mga naglalakbay (na inyong makasalubong) at sinomang nasa ilalim ng inyong kapangyarihan; sapagkat hindi minamahal ng Allah ang mapagmataas, ang mapagyabang.”
Qur’an 4:36

Patunay pa nito, isinasaalang-alang ng Islam ang damdamin ng mga alipin na may dangal kaya naman ipinag-uutos sa mga mayroong alipin na huwag ipadama sa kanilang mga alipin ang kalagayan ng mga ito bilang alipin. Ang Sugo ng Allah ay nagsabi:

“Ang isang tao ay hindi dapat magsabi ng ‘Ito ay aking alipin’ o ito ay aking katulong bagkus dapat niyang sabihin na ‘ito ay aking kasamang lalaki o ito ay aking kasamang babae.”

Magkagayunman, ang pagkaalipin, ayon sa aral ng Islam ay nakahangga lamang sa pisikal ng pagka alipin at hindi sa kaisipan o pilosopikal. Ang isang alipin ay may karapatang panatilihin ang kanyang sariling pananampalataya kung nais niyang gawin ito. Karagdagan pa nito, ang Islam ay nagtakda ng pinakamagandang halimbawa ng makataong pagkapantay-pantay sa pamamagitan ng kabutihan o pagkamakadiyos (piety).

Samakatuwid, wala sa pagiging malaya o pagiging alipin ang batayan ng makataong pagkapantay pantay maliban sa antas ng kanyang kabutihan at pagkamakadiyos. Ang pagkakapatiran sa Islam ay siyang naging tanikalang umuugnay sa pagitan ng isang alipin at ng kanyang pinaglilingkuran. Ang Islam ay nagbigay pa ng isang hakbangin upang mailarawan ang isang dakilang halimbawa. Nang ang kanyang aliping si Zaid Harithah (t) ay pinakasal sa kanyang pinsang si Zainab Bin Jahsh, isang marangal na babae mula sa angkan ng Quraish. Ang aliping ito ay binigyan din ng isang katayuan bilang lider ng mga mandirigma na binubuo ng mga dakilang kasamahan ng Sugo ng Allah .

Mayroong sinusunod na dalawang pamamaraan upang alisin ang pang-aalipin sa Islamikong Lipunan at tuparin o isagawa ito sa kaaya-ayang pamamaraan upang maiwasan ang anumang di kanais-nais na ibubunga nito sa lipunan. Ang mga pamamaraang ito ay hindi nagbunga ng anumang hidwaan sa lipunan, pagkamuhi na maaaring mamagitan sa ibat ibang antas ng tao sa Islamikong lipunan o kaya naman ay nagkaroon ng masamang bunga sa panlipunan o pangkabuhayang aspeto.

Ang Unang Pamamaraan

Alisin ang anumang pinagmumulan ng Pang-aalipin na laganap sa isang panahon batay sa kasaysayang ng Islam. Ang mga pinagmumulan ng pagkaalipin ay ang mga sumusunod:

1. Iba’t-ibang uri ng digmaan na kapag ang isang panig ay nagapi o nalupig, ang mga mandirigma nito ay maaaring mapatay o madakip, at kasunod ay pagkaalipin ng mga ito.

2. Kung ang isang tao ay may salaping pagkakautang at walang kakayahang bayaran ito, ang taong may utang ay magiging alipin ng pinagkakautangan.

3. Ang mga ama na may gawang ipagbili ang kanilang mga anak, lalaki man o babae.

4. Ang pansariling hangarin. Kung ang isang tao ay may masidhing pangangailangan, kanyang ipinagbibili ang sarili upang makamtan ang kanyang pansariling hangarin.

5. Ang mga gawaing pirata, pang-aagaw (kidnap) ng mga tao. Ang mga ganitong tao ay ginagawang alipin.

6. Ang parusa sa mga krimen sa pamamagitan ng pagpatay, pagnanakaw at pangangalunya na ipinapataw sa mga gumagawa nito. Ang kriminal na tao ay magiging alipin ng biktima o ng pamilya ng biktima.

7. Ang panganganak ng mga babaeng alipin bagamat ang ama nito ay isang malayang tao.

Ito ay mga ilan lamang sa pinagmumulang dahilan ng pang-aalipin na matatagpuan sa buong mundo bago pa dumating ang Relihiyong Islam. Kaya naman, ipinagbawal ng Islam ang mga pinagmumulan ng pang-aalipin. May dalawang di-nasasakop sa prinsipyong ito na nalalabi:

1. Ang mga nadakip sa panahon ng legal na digmaan na ipinahayag ng isang namumunong Muslim. Gayun paman, hindi lahat ng nadakip o nalupig ay itinuturing na alipin. Ang ilan sa mga ito ay pinalalaya at ang ilan naman ay binabayaran kapalit ng kalayaan. Ito ay batay sa pahayag ng Banal na Qur’an:

“Samakatuwid kapag inyong makaharap sa labanan (Jihad- pakikibaka sa landas ng Allah) yaong mga walang pananampalataya, tigpasin ang kanilang mga leeg, hanggang sa kalaunan ang karamihan sa kanila ay inyo nang napatay o nasugatan, inyo silang talian ng panggapos na mahigpit (at gawing bihag). Sa gayon, (makaraan nito) naririto ang sandali ng pagpaparaya (palayain sila ng walang tubos) o patubos (ayon sa kapakinabangan sa Islam), hanggang ang hapdi at hilahil ng digmaan ay mapawi. Sa gayon, kayo ay pinag-utusan (ng Allah na ipagpatuloy ang pagsasagawa ng Jihad laban sa mga hindi sumasampalataya hanggang sa sila ay yumakap sa Islam, o kaya ay mapabilang sila sa ilalim ng inyong pangangalaga), datapwa’t kung ninanais lamang ng Allah ay magagawa Niya na magapi sila (na wala kayo), ngunit ninanais Niya kayo at ang mga iba. At yaong mga nasawi dahil sa landas ng Allah ay hindi Niya hahayaang ang kanilang mga gawa ay mawalang saysay.”
Qur’an 47:4

Bagamat ito ay nangyari sa mga unang panahon ng Relihiyong Islam. Ang mga kaaway ng Islam ay nagtangka na pigilin ang kaunlaran nito at ipinalaganap sa iba. Ang mga di-Muslim noong panahon na yaon ay ginagawang bilanggo ng digmaan ang mga nadakip na Muslim. Ganoon din ang ginawa ng Islam sa mga di-Muslim.

1. Ang namanang alipin, sa kabilang dako, ay isang batang isinilang sa dalawang aliping magulang. Ang ganitong bata ay itinuturing na alipin. Ngunit kung ang nakaanak sa isang babaeng alipin ay ang kanyang pinaglilingkurang amo, ang anak ng ganitong ugnayan ay isang malayang bata na nakaugnay rin ang lahi (lineage) nito sa kanyang ama. Sa ganitong kalagayan, ang babaeng alipin ay tinatawag na “ina ng bata” na hindi pinagbibili o ibinibigay pang regalo bagkus siya ang magiging malaya kapag ang kanyang amo ay namatay.

2. Ang isa pa ay nakaugnay sa pagpapaunlad ng mga pamamaraan ng pagpapalaya mula sa pagkaalipin. Noong simula, ang tanging paraan ng kalayaan ng pagkakaalipin ay kung ito ay pinahintulutan ng kanyang amo na palayain ang isang babaeng alipin. Ang isang alipin, bago pa dumating ang Islam, ay itinuturing na alipin sa buong buhay niya. Ang isang amo na magpapalaya sa kanyang alipin, ay kailangang bayaran siya ng kaukulang pananalapi na pinagkasunduan.

Hinihiling ng Islam ang pagpapalaya ng mga alipin sa pamamagitan ng magandang loob o kusang loob ng mga nagmamay-ari ng alipin at ang pagkakaroon ng kasunduan ng mga alipin at ang kanilang mga amo sa pamamagitan ng pagbayad ng kaukulang salapi para sa ganap na kalayaan ng mga ito. Binuksan ng Islam ang lahat ng pamamaraan bago pa man bigyang karapatan ang mga may ari ng alipin na palayain ang kani-kanilang mga alipin ng walang papasaning tungkuling pananalapi at binuksan din ang pagpapalaya ng mga alipin sa pamamagitan ng mga sumusunod na hakbangin at kautusan, gaya ng mga sumusunod:

Ang Pagsisisi at Pagbabayad (Atonement) ng Kasalanan:

Sa pagpaslang ng di sinasadya, ang Islam ay nagtakda ng kabayaran sa pamamagitan ng pagpapalaya ng isang mabuting mananampalatayang Muslim at ito ay karagdagan pa sa pagbabayad ng Diyah (kabayaran sa di sinasadyang pagpatay) sa pamilya ng biktima. Ito ay batay sa isang talata ng Banal na Qur’an:

“Hindi nararapat na ang isang mananampalatayang Muslim ay patayin ng kapwa mananampalatayang Muslim; ngunit (kung ito man ay mangyari) ng dahil sa pagkakamali (di sinasadyang pagkakataon) ang karampatang kabayaran ay ipagkaloob, ipinag-uutos (din) na ang pagpapalaya ng isang alipin ay isakatuparan, at magbayad ng kaukulang salapi sa pamilya ng biktima, maliban kung sila (pamilya ng biktima) ay kusang loob na magpatawad (magpaumanhin)…”
Qur’an 4:92

Ang Pagsisisi at Pagbayad (Atonement) sa Panlalait sa Asawa (Zihar)

(Ang Zihar ay isang uri ng panlalait ng palagiang sinasabi ng isang lalaki sa kanyang asawa kapag siya ay galit. “Ikaw ay ipinagbabawal na sa akin na makaniig, katulad ng likod ng aking ina.” Ito ay ginagawa noong panahon bago dumating ang Islam at ito ay ganap na ipinagbawal.)

Ito ay batay sa isang talata ng Banal na Qur’an:

“Ngunit sila na nagbigay ng diborsiyo sa kanilang asawa sa pamamagitan ng Zihar (panlalait), (ngunit) pagkaraa’y nagnais bawiin ang salita na kanilang sinambit, (ipinag-utos) na sila ay nararapat na magsagawa ng pagpapalaya ng isang alipin bago mangyari na sila ay kapwa magkaniig; ito ay ipinag-utos na dapat isagawa; at ang Allah ay ganap na nakababatid ng (lahat ) ng inyong gawain.”
Qur’an 58:3

Ang Pagsisisi at Pagbabayad (Atonement) para sa hindi Pagtupad sa Pangako:

Ito ay batay sa isang talata ng Banal na Qur’an:

“Hindi kayo pananagutin ng Allah sa mga walang kabuluhang pangako ngunit kayo ay pananagutin sa mga sinadyang pangako: ang kabayaran nito ay ang pagpapakain ng sampung dukhang tao, batay sa katamtaman na pagkain ng iyong pamilya, o kaya ay bihisan sila o kaya bigyang kalayaan ang isang alipin. Kung ito ay lagpas sa inyong kakayahan, (magkagayon) nararapat na mag-ayuno ng tatlong araw. Ito ang pagbabayad sala ng pagtalikod sa mga pangakong sinumpaan. Tuparin ang inyong mga panunumpa o pangako. Binigyang liwanag sa inyo ng Allah ang Kanyang palatandaan, upang kayo ay maging mapagpasalamat.”
Qur'an 5:89

Ang Pagsisisi at Pagbabayad para sa Pagtigil sa Pag-aayuno sa panahon ng Ramadhan:

Ito ay batay sa isang salaysay na nangyari sa isang tao na tumungo sa Sugo ng Allah at nagsabing:

“O Sugo ng Allah, ako ay nagkasala.” Ang Sugo ng Allah ay nagtanong sa tao, Bakit? Ang tao ay nagsabi sa Sugo ng Allah na siya ay nakipagniig sa kanyang asawa sa araw ng pag-aayuno sa buwan ng Ramadhan. Ang Sugo ng Allah ay nagtanong,”Mayroon ka bang alipin na maaaring palayain? Ang tao ay umiling. Muli, ang Sugo ng Allah ay nagtanong, “Ikaw ba ay may kakayahang pananalapi upang magpakain ng anim na pung taong dukha? Ang tao ay nagsabi na wala siyang kakayahan. Habang ang lalaking ito at ang ibang naroroon ay nangakaupo, isang basket na puno ng sariwang datiles ang ipinagkaloob sa Sugo ng Allah. Hinanap ng Sugo ng Allah ang lalaki na nakagawa ng bawal na pakikipagniig sa asawa sa panahon ng Ramadhan at ito naman ay lumapit sa kanya. Ang Sugo ng Allah ay nagsabi sa kanya, “Dalhin mo ang mga datiles na ito at ipamigay mo sa mga mahihirap bilang iyong kawanggawa upang mabayaran (ang kasalanang pakikipagtalik sa buwan ng pag-aayuno). Ang lalaki ay sumagot, “O, Sugo ng Allah, Isinusumpa ko sa Allah na walang higit pang mahirap sa buong lungsod ng Madinah maliban sa aking pamilya.” Nang marinig ito ng Sugo ng Allah, siya ay tumawa na halos nakita ang kanyang bagang at kapagdakay nagsabi: “Samakatuwid, dalhin mo ang datiles na ito at ipakain sa iyong pamilya.”

Kung sakaling ang isang nagkasala ay wala namang alipin, siya ay nararapat na bumili ng isang alipin at pagkaraan ay nararapat niyang palayain bilang kabayaran sa kanyang kasalanan.

Ang pagpapalaya ng isang alipin ay pinakamabuting kawanggawa sa Paningin ng Allah (Diyos na Makapangyarihan).

Ito ay batay sa pahayag ng Banal na Qur’an na nagsasabing:

“Ngunit siya ay hindi tumahak sa landas na matarik. At ano ang maipaliliwanag mo sa landas na matarik? (ito ay) pagpapalaya ng alipin.”
Qur’an 90:11-13

Ang mga aral at mga salita ng Sugo ng Allah sa paksang ito ay maituturing na mga pampasigla at pagganyak (incentives) sa mga tao upang kanilang palayain ang kani-kanilang alipin para sa landas ng Allah (Diyos na Makapangyarihan). Ang Sugo ng Allah ay nagsabi:

“Sinoman ang nagpalaya sa isang alipin ay magkakamit ng gantimpala ng pagpapalaya ng isa sa bahagi ng kanyang katawan mula sa apoy ng Impiyerno.”
Hadith Muslim

Karagdagan pa nito, ang Sugo ng Allah ay nagsabi:

“Dalawin ang maysakit, pakainin ang nagugutom at palayain ang nagdurusang alipin.”
Hadith Bukhari

Ang Pagpapahayag ng Pagpapalaya sa isang Alipin

Kung ang nagmamay-ari ng alipin ay nagpahayag o nagbigay ng isang salita ng pagpapahiwatig ng pagpapalaya sa kanyang alipin maging ito man ay isang pagbibiro, ang isang alipin ay kagyat na malaya. Ito ay batay sa isang Hadith ng sinabi ng Sugo ng Allah :

“Mayroong tatlong bagay na kapag ito ay inyong sinabi maging ito man ay biro o tutoo, kayo ay nangako sa inyong sarili na dapat ninyong tuparin. Ito ay ang: pagdidiborsiyo sa inyong asawa, pagtanggap ng kasal (sa isang babae) at ang pagpapalaya ng isang alipin.”
Hadith Bukhari

Ang Pagpapalaya sa isang Alipin sa pamamagitan ng Huling Habilin.

Isa sa pamamaraan ng pagpapalaya sa isang alipin ay sa pamamagitan ng pagbanggit sa Huling Habilin ng isang malapit ng mamatay. Ang Huling Habilin ay maaaring nakasulat, ipinahayag sa pamamagitan ng salita, o paghabilin sa isang pinagkakatiwalaang tao. Kung ang amo ay nagpahayag sa anumang pamamaraan na ang kanyang alipin ay malaya na kapag siya ay namatay, ang kalayaan ng kanyang alipin ay makakamit niya pagkaraang ang amo ay namayapa na.

Samakatuwid, bilang paunang paalala, ang Relihiyong Islam ay nagpipigil na ipagbili o ipamigay ang naturang alipin pagkaraang ipahayag ng kanyang amo ang kasunduang pagpapalaya nito. Kung ang aliping babae ay pinagkalooban ng ganitong pangako at siya ay nagkaroon ng pakikipagtalik sa kanyang amo, ang anak na naging bunga ng pakikipagtalik ay ganap na malaya rin sa oras na siya ay isilang. Magkagayun, ang babaeng alipin ay hindi maaaring ipagbili o ipamigay sa kaninuman bagkus siya ay nararapat na bigyang laya.

Ang Pagpapalaya ng Alipin Bilang Zakah.

Ito ay batay sa Banal na Qur’an na nagbibigay kautusan tungkol dito:

“Ang As-Sadaqat (ito ay nangangahulugan ng katungkulang kawanggawa, gaya ng Zakah) ay para lamang sa mga Fuqara (mga mahihirap na hindi nagpapalimos) at sa mga Masakin (sa mga mahihirap na nagpapalimos), sa mga nangangasiwa upang mangalap (ng mga Zakah), sa mga tao na ang puso ay nahihilig sa Islam, at para sa pagpapalaya ng mga bihag (alipin), sa mga may pagkakautang, para sa mga nakikipaglaban para sa landas ng Allah (mga Mujahidun), sa mga naglalakbay (na walang mahanapan ng tulong); na ito ay katungkulang itinalaga ng Allah, at ang Allah ay Ganap na Nakakaalam, ang Sukdol sa Karunungan.”
Qur’an 9:60

Ang Kabayaran ng Pagsampal sa Mukha ng Alipin.

Nararapat na bigyang kalayaan ang isang alipin kung siya ay nakaranas ng pagsampal mula sa kanyang among pinaglilingkuran. Batay sa Hadith ng Sugo ng Allah :

“Sinoman ang nanampal o nanakit sa kanyang alipin sa (bahagi ng) mukha nito, ay nararapat na magbayad ng pagkakasala sa pamamagitan ng pagpapalaya sa kanya.”
Hadith Bukhari

Ang Kasunduan ng Alipin at ng kanyang Pinaglilingkuran.

Ito ay tungkol sa isang situwasyon na ang isang alipin ay humingi ng isang kahilingan sa kanyang amo na bilhin nito ang kanyang kalayaan sa pamamagitan ng pagbayad ng kaukulang salapi na kapwa nila pinagkasunduan. Kapag ang isang alipin ay humingi sa kanyang amo ng isang kasunduang pagpapalaya, ang kasunduang ito ay nararapat na isakatuparan. Sa ganitong pamamaraan, ang isang alipin ay mayroong kalayaan na mamili, magtinda, makipagkalakalan at maghanapbuhay upang makapag-ipon ng sapat na salaping ibabayad para sa kanyang kalayaan. Magkagayun, ang pagtratrabaho niya sa kanyang amo ay nangangailangan din ng kaukulang sahod. Karagdagan pa nito, ang Islam ay nananawagan mula sa mga mayayamang Muslim at sa Islamikong Lipunan na magbigay kawanggawa para magkaroon ng kakayahang mabigyang laya ang isang alipin. Ang Banal na Qur’an ay nagpahayag:

“…At kung ang isa sa inyong mga alipin ay humiling ng kasulatan para sa kasunduang pagpapalaya sa kanya, ipagkaloob ang kasulatang ito…”
Qur’an 24:33

Sa maikling salita, hindi pinahintulutan ng Islam ang pang-aalipin bagkus ito ay nagtatag ng mga batas at alituntunin na nagbigay ng malaking tulong upang higpitan ang mga pinagmumulan ng pang-aalipin at tinutulungan ang mga alipin upang maging malaya habang buhay.

Ang ‘Ministry of Justice’ sa Kahariang Saudi Arabia (Kingdom of Saudi Arabia) ay nagtatag ng tatlong pagtitipon (symposium) sa buwan ng Safar (taong 1982). Ang ministro ng Hukom at ang mga mapananaligang iskolar at guro sa mga mataas na pamantasan ay lumahok kasama ng apat na kilalang iskolar sa bansang Europa:

1. Ang dating Foreign Affairs Minister ng Ireland at ang Kalihim ng European Legislation Committee;

2. Isang kilalang iskolar ng Oriental at isang guro ng Islamic Studies.

3. Isang pinagpipitaganang iskolar ng Batas at Director ng Human Rights Magazine na inilalathala sa Pransiya.

4. Ilang kilalang mambabatas ng Appellate Court ng Pransiya.

Ang mga iskolar ng Kahariang Saudi Arabia ay nagpaliwanag tungkol sa konsepto ng Islam bilang pamamaraan ng Buhay sa paraang paghahambing ng iba’t-ibang konsepto ng ibang mamamayan, paglalarawan ng mga pangunahing batas ng Islam at ang Shariah at ang mga detalyadong batas ng mga pangunahing kautusan at prinsipiyo. Ang mga iskolar ay nagpaliwanag din tungkol sa Shariah na siyang nagpapanatili para sa kabutihan ng mga mamamayan. Ipinaliwanag din nila ang kahalagahan, ang kabutihan at magandang bunga ng mga parusa sa Islamikong Batas. Ipinaliwanag nila na ang mga parusa ay sadyang makatuwiran upang mapanatili ang kapayapaan, kaligtasan at kapanatagan ng lipunan. Ang mga parusang ito ay nagpapababa ng bilang ng mga krimen sa lipunan.

Ang mga taga Europa ay nagpahayag ng paghanga sa mga paliwanag na ipinagkaloob ng mga Muslim iskolar na tumalakay sa iba’t-ibang parusa. Karagdagan pa nito, hinangaan nila ang konsepto ng Karapatan ng tao sa Islam.

Si Ginoong Mile Pride, ang pinuno ng European delegasyon ay nagsabi:

“Mula rito sa lugar na ito at mula dito sa bansang Islamiko, ang karapatan ng Tao ay nararapat na ipahayag at ipalaganap sa lahat ng tao sa buong mundo. Ang mga Muslim iskolar ay nararapat na ipalaganap ang mga di pa nalalamang karapatan ng tao sa iba’t ibang bansa. Katunayan, dahil sa kamangmangan tungkol sa mga karapatan ng Tao at kapos na kaalaman tungkol sa mga karapatang ito, ang dangal ng Islam at ang batas ng Islam at pamamahala nito ay nasisira sa mata ng ibang bansa.”