Ikatlong Paratang: Maling kuru-kuro tungkol sa hudud ( Inireseta Punishments )

Ang pagpapatupad at paglapat ng Hudud (Batas sa Pagpaparusa), ayon sa Islam, (ang pahayag nila) ay isang malupit at di makataong gawain. At ito ay lumalagpas sa karapatan ng tao.

Ang Paliwanag at Kasagutan

Una sa lahat, ating ilarawan na ang krimen at pagpatay sa Islam ay nahahati sa dalawang uri:

1. Ang mga krimen ay mayroong kaukulang parusa ayon sa Batas ng Shariah. Ang mga krimeng ito ay ang pagpatay, pangangalunya, pagnanakaw, pag-inom ng alak, maling pagbibintang laban sa pangangalunya o ibang imoral na gawain at pakikipag-away laban sa Muslim o pananakit at pananakot sa kanilang lipunan.

2. Ang mga krimen na walang kaukulang parusa ayon sa Shariah. Ang pinuno ay binigyan ng kapangyarihan na magtakda ng parusa sa ganitong krimen batay sa kapakanan ng mamamayan at lipunan. Ang mga ganitong parusa ay tinatawag na “pangaral o babala”

Ang mga krimeng mayroong tiyak na kaparusahan ayon sa Shariah ay nahahati din sa dalawang uri:

1. Unang Uri

Ito ay tumutukoy sa mga krimen na nakaugnay sa personal na karapatan ng tao katulad ng pagpatay, pag-atake sa isang tao na nagbunga ng sakit sa tao (naputol ang kamay, o paa, napilayan), o paratang ng pangangalunya. Ang parusa ng ganitong krimen ay maaaring bumaba o mabawasan kung ang biktima (taong nagsampa ng daing) ay binawi ang kaso sa pamamagitan ng pakikipagkasundo. Ang parusa sa ganitong krimen ay magiging Tazeer (parusa na naglalayong bigyan ng disiplina ang nasasakdal).

2. Ikalawang Uri

Ito ay tumutukoy sa parusa na nakaugnay sa pagsuway sa Kautusan ng Allah at ibang itinakdang kautusan ng Shariah. Ang mga krimeng ito ay ang pag-inom ng alak, pangangalunya o ang pagnanakaw. Ang parusa sa mga nabanggit na krimen ay hindi maaaring bawiin kahit na ang nagsampa ng daing ay bawiin ang kaso sa korte.

Ating suriin ang mga batayan ng pagpapatupad ng Hudud (Batas sa Pagpaparusa) ng Shariah:

1. Ang Hudud ay angkop lamang sa isang tao na nasa tamang gulang, nasa tamang pag-iisip.

2. Ang Hudud ay ipagwawalang bisa kung sakaling ang ebidensiya ay hindi sapat o kaya kung ito ay hinala lamang. Ito ay batay sa isang Hadith ng Sugo ng Allah na nagsabing:

“Itigil ang pagpapatupad ng parusa nang batay lamang sa panghihinala.”

3. Ang Hudud, ayon sa Islam, ay nararapat lamang sa mga krimen na ginawa na sinasakop ng limang mahigpit na pangangailangan ng tao sa buhay.

4. Ang Hudud ay pinatutunayan sa pamamagitan ng pag-amin ng nasasakdal. Ganoon pa man, posible ding bawiin ang pag-amin. Ang pahayag lamang ng mga lalaki ang tinatanggap sa kaso ng Hudud.

5. Ang mahalagang layunin ng pagsasagawa ng ganitong parusa ay upang turuan ng isang mabuting aral ang mga kriminal na huwag gawin ang bagay na magbubunga ng pangamba o takot sa lipunan. Walang sinoman ang dapat makialam o humadlang sa anumang karapatan ng tao samakatuwid ang parusa ay nagsisilbing proteksiyon upang makatiyak na ang karapatan ng bawat mamamayan ay mapangalagaan. Sa ganitong paraan, ang buong mamamayan sa lipunan ay nakadarama ng kapayapaan at kaligtasan.

Bagamat ang Islam ay nagbibigay babala na isang masakit na parusa sa kabilang buhay sa mga taong gumagawa ng ibat ibang uri ng krimen hindi naman agad na nilalapatan ng pasura dito sa mundo. Lahat ng tao sa Islamikong Lipunan na sinuway ang mga batas at mga alituntunin ng Islam ay pumapailalim sa ganitong mga parusa.

Mayroong mga tao sa anumang lipunan na hindi maaarng pigilin ang kanilang mga gawang krimen maliban na sila ay sapilitang pigilin ang kanilang masamang gawa laban sa lipunan. Kaya, ating mapapansin na ang Islam ay tinitingnan nito ang karampatang parusa sa bawat krimen. Ang Qisas, ang pagpatay sa isang mamamatay tao (kriminal) ay isang makatarungang parusa at ito ay akma lamang sa isang pumatay ng kanyang kapwa. Ang Banal na Qur’an ay nagpahayag:

“O kayong mananampalataya! Ang Batas ng pagkapantay-pantay ay ipinag-utos sa inyo sa kaso ng pagpatay: ang malaya para sa malaya, ang alipin para sa alipin, ang babae para sa babae...”
Qur’an 2:178

Magkagayunman, kung ang pamilya ng biktima ay nagbigay patawad sa nakapatay, ang parusa ay babawiin. Ito ay batay sa Banal na Qur’an:

“…Ngunit kung mayroong kapatawaran na ginawa mula sa kapatid ng biktima, samakatuwid ipagkaloob ang karampatang kahilingan at bayaran siya ng kasiya-siyang kabayaran…”
Qur’an 2:178

At tungkol naman sa pagputol ng kamay ng magnanakaw, ang Banal na Qur’an ay nagsabi:

“At para sa magnanakaw, lalaki man o babae, putulin ang kanilang mga kamay, bilang kabayaran sa kanilang ginawang krimen, isang kaparusahan bilang pakitang halimbawa mula sa Allah. At ang Allah ay Dakila sa Kapangyarihan, Tigib ng Karunungan.”
Qur’an 5:38

Ganoon pa man, ang Islam ay hindi naglalapat ng parusang pagputol ng kamay sa magnanakaw maliban sa mga kondisyon at pangyayari. Una, ang pagnanakaw ay nararapat sakop ng itinakdang hangganan. Pangalawa, ang ninakaw na bagay ay nararapat na nasa pangangalaga o nasa nakapinid na lalagyan. Ikatlo, ang pangyayari ng pagnanakaw ay isang panghihinala lamang o ang dahilan ng pagnanakaw ay bunga ng kahirapan o karukhaan, sa ganoong mga dahilan, ang magnanakaw ay hindi nararapat putulan ng kamay. Ang pagnanakaw ay isang maselang krimen sa lipunan. Kapag ito ay kumalat sa buong lipunan, ang mga mamamayan ay magkakaroon ng pangamba at takot.

At bunga nito, ang kapayapaan at kaligtasan ng mga mamamayan ay maglalaho. Bukod pa rito, kapag ang magnanakaw ay nahuli, maaari siyang magpumiglas o tumakas at dahil sa ganitong kalagayan maaaring makagawa pa ito ng panibagong krimen katulad halimbawa ng pagpatay. Samakatuwid, ang krimeng ito ay nararapat na harapin sa paraang maayos at matatag. Kapag ang magnanakaw ay nakapag-isip-isip na ang kanyang kamay ay mapuputol, maaaring kanyang iiwasan ang masamang gawaing ito. Kaya, ang yaman at kaligtasan ng pamayanan ay mapangangalagaan.

Ang Islam ay nagtakda rin ng tiyak (specific) na parusa na tinatawag na Hirabah- isang krimen na isinasagawa sa ilalim ng pananakot sa pamamagitan ng sandata (ang parusa nito ay bibigyang paliwanag sa mga sumusunod na halimbawa). Isang halimbawa ng Hirabah ay: panunulisan (pagtambang sa mga dumadaan at sapilitang kinukuha ang mga salapi at ari-arian, pagpatay, panloob o puwersahang pagpasok sa mga mapayapang tahanan at pananakot sa mga inosenteng mamamayan. Ang pinagkasunduang parusa ay batay sa Banal na Qur’an:

“Ang parusa sa mga taong nagbabanta ng digmaan laban sa Allah at ng Kanyang Sugo, at pagsikhay ng lakas para sa paghasik ng kasamaan sa kalupaan ay: kamatayan o pagpako sa krus, o ang pagputol ng kanyang mga kamay at paa mula sa magkabilang panig o ang pagtapon sa kanya sa labas ng bayan. Ito ang kahihiyan nila sa mundong ito at isang mabigat na parusa ang kanilang makakamtan sa Kabilang Buhay; Maliban sa mga nagbalik loob (at nagsisi) bago sila nahulog sa iyong kapangyarihan, sa ganoong kalagayan, (dapat na) malaman na ang Allah ay Lagi ng Mapagpatawad, ang Maawain.”
Qur’an 5:33-34

Ang Parusa ay inilalapat ayon sa likas at masamang bunga ng isang krimen. Kung ang isang magnanakaw ay nakapatay at nagawang agawin ang salapi ng biktima, ang parusa ay kamatayan o pagpako sa krus ng magnanakaw. Kung ang magnanakaw ay nakuha niya ang salapi lamang ngunit hindi niya ito pinatay, ang kanyang kamay ay puputulin. Kung ang magnanakaw ay nakapatay at hindi naman nakuha ang salapi, ang parusa ay kamatayan. Kung ang magnanakaw ay nagawang takutin ang mga mamamayan ngunit wala namang pinatay, siya ay nararapat itapon sa labas ng kanyang bansa.

Karagdagan pa nito, ang Islam ay nagtakda rin ng parusa ng paghahagupit sa mga lalaking walang asawa na nagkasala ng pakikiapid. Ito ay batay sa kautusan na nakatala sa Banal na Qur’an:

“Ang babae at ang lalaki na nagkasala ng bawal na pakikipagtalik, hagupitin sila ng isang daang hampas. Huwag hayaan ang awa ay mangibabaw sa inyo upang pumigil sa inyo sa ganitong kaso, sa kaparusahan na inihatol ng Allah, kung kayo nga ay sumasampalataya sa Allah at sa Huling Araw. At hayaang ang isang pangkat ng mga sumasampalataya ay makasaksi sa kanilang parusa.”
Qur’an 24:2

At para naman sa mga may-asawa, babae man o lalaki, na nagkasala ng pangangalunya, ang pagbato sa kanila hanggang mamatay ay siyang parusang ipalalasap sa kanila. Ang parusang ito ay ilalapat lamang kapag ang mga itinakdang kondisyon ay ganap na naipatupad. Ang may-asawa, lalaki o babae ay maaaring batuhin hanggang mamatay sa dalawang pagkakataon:

Ang Hayag at Tuwiran na Pag-amin

Walang sapilitan upang makamtan ang pag-amin ng isang kriminal. Bukod dito, ang paglilitis ay hindi isinasagawa pagkaraan ng unang pag-amin o hayag na pagtanggap ng kasalanan. Ang pag-amin ay nagkakaroon lamang ng bisa kapag ito ay inulit ng apat na beses, apat na pagkakataon ng pagpupulong sa korte (court sessions).

Ang hukom sa lahat ng pagpupulong (sessions) at sa bawat pag-amin ay binabaling ang mukha at nagpapahiwatig ng di pagsang-ayon dito. Katotohanan pa nito, ang hukom ay maaaring mag-alay ng mga kondisyon, salita na maaaring magbigay ng pagpigil sa pag-amin nito at pagpapayuhang suriing mabuti ang pag-amin. Ang Hukom ay maaari pa rin niyang sabihin sa nasasakdal ng ganito: “Maaaring hinalikan mo lamang siya o hinawakan (pisikal) ngunit hindi naman aktual na nakagawa ka ng pangangalunya.

O maaaring niyakap mo lamang ito na wala namang aktual na pakikipagniig.” Ang lahat ng ito ay bukas na pintuan upang bawiin ng nasasakdal ang kanilang mga pag-amin. Ito ay batay sa Sunnah ng Sugo ng Allah na kanyang ginawa nang ang isang babae (Tribo ng Ghamidi) ay nagpumilit na parusahan dahil sa katatagan ng pag-amin nito ng aktual na paggawa ng pangangalunya at siya ay buntis bunga ng pakikipagniig nito. Kaya, kung ang nasasakdal ay nagpupumilit sa pag-amin, ang pagbato sa kanya ay isasagawa. Kahit na sa oras ng pagbabato, kung ang taong binabato ay tumakbong papalayo upang takasan ang pagbato sa kanya, ito ay pagpapahiwatig ng pagbawi ng kanyang pag-amin. Sa ganoong kalagayan, ang pagbato ay ititigil.

Ang Pangangailangan ng Apat na Makatarungang Saksi

Ang apat na makatarungang saksi ay nararapat na kilala sa pagiging makatotohanan sa kanilang mga pananalita at pag-uugali. Ang apat na saksi ay nararapat na patunayan ang tunay na naganap na pakikipagtalik (ibig sabihin kanilang aktual na nakita na ang ari ng lalaki ay nasa ari ng babae). Ang ganitong kalagayan ay makikita lamang kung ang dalawang nasasakdal ay hayagang ginawa ang pakikipagtalik, nagpakita ng walang paggalang sa batas at dangal ng Islamikong Lipunan. Sa kaso ng panghihinala lamang na ating nabanggit na nauna, ang parusa ng pagbato ay hindi maaaring isagawa. Ito ay batay sa Hadith ng Sugo ng Allah :

“Itigil ang pagpapatupad ng parusa na batay lamang sa panghihinala.”

Ang pangangalunya at pakikipag-apid ay hindi isang pansarili o pribadong pagkilos. Katotohanan, ito ay isang pagsuway sa mga karapatan ng Islamikong Lipunan. Maraming masamang ibinubunga ang ganitong imoral na gawain. Ang mga sumusunod ay mga halimbawa ng mga bunga ng ganitong masamang gawain:

1. Ibinababa nito ang pagpapahalagang panlipunan at prinsipiyo ng lipunan at ang mga mamamayan nito. Kasunod nito, ang paglaganap ng mga sakit at maaaring ang mga inosenteng mamamayan ay mahawahan ng mga mapanganib na sakit.

2. Ang pagsasalamuha ng angkan. Ang isang bata ay maaaring iugnay sa iba kaysa sa kanyang tunay na ama at maaari ding ang bata ay alisan ng dangal bilang pag-uugnay sa kanyang tunay na ama. Ito ay nagbubunga rin ng suliranin sa pamana. Yaong hindi nararapat na pamanahan ay nagkakaroon ng mana at yaon namang nararapat bigyang pamana ay nawawalan ng pamana.

3. Pagkakaroon ng mga uri ng mamamayan na inaalisan ng pagmamahal sa kanilang mga magulang, angkan at pamilya at maging ang pagkakakilanlan ng pamilyang kinabibilangan. Ito ay nagkakaroon ng sikolohikal na sakit at pangangamba. Kasunod nito, maaaring magkaroon ito ng paglayo o pagkasuklam sa lipunang kinasasapian.

Ang pagiging ama o ina para sa bata ay katulad ng isang bansa. Ang bata ay umaasa ng kapayapaan paglingap, kaligtasan, pangangalaga, kaligayahan at kabuhayan sa kanyang sariling magulang.

Ang Islam ay nagtakda ng paghahagupit bilang parusa para sa pagbibintang o pagpaparatang sa iba ng kasalanang pangangalunya o pakikipag-apid. Ang Allah (Diyos na Makapangyarihan) ay nagsabi mula sa Banal na Qur’an:

“At yaong mga nagpaparatang sa mga malilinis (birhen) na babae, at hindi makapagtanghal ng apat na saksi, hagupitin sila ng walumpung hampas, at itakwil ang kanilang pagsaksi ng lubusan, katotohanan sila ay mga Fasiqun (mga sinungaling, palasuway at mapanghimagsik sa Allah).”
Qur’an 24:4

Ang layunin ng pagtatag at pagpapatupad ng ganitong parusa ay upang pangalagaan at panatilihin ang magandang moral sa lipunan at pangalagaan ang pribadong buhay ng mga inosenteng mamamayan (ang Allah, U, ang higit na nakaaalam). Ang paratang na may bahid ng kasinunglingan ay isang masidhing suliraning panlipunan na nararapat sikaping lutasin at tanggalin sa lipunan.

Ang dangal ng tao ay lubhang mahalaga. Sinoman ang magtangkang makialam sa pribadong buhay ng isang mamamayan ay nagkakaroon ng masamang ganti sa iba. Sa ibang pagkakataon, ang masamang paratang ay nauuwi sa krimeng pagpatay, pagpatay sa taong nagsimula ng kaguluhan. Samakatuwid, ang Shariah ay nagtakda ng ganitong parusa laban sa taong nagbigay paratang kung siya ay hindi nakapagbigay ng sapat na patunay sa pangyayari.

Lahat ng uri ng parusa sa Relihiyong Islam ay nagbigay patunay sa pananatili ng karapatan ng tao sa isip, sa gawa at sa paglalarawan ng banal na katarungan at pagkapantay-pantay.

Ang Islam ay hindi nakatuon sa pisikal na parusa lamang kundi ito ay nagbibigay pansin din sa sikolohikal na parusa. Ang maling pagpapahayag (false testimony) ng pagsasakdal, halimbawa ay hindi tatanggapin. Ito ay nagpapahiwatig ng pagiging tiwali, hindi normal at masamang gawa laban sa Batas ng Shariah. Ang tanging pang-unawa na maibibigay sa isang taong nagpaparatang ay ang makita siyang nagsisisi at nagbalik loob sa Allah (Diyos na Makapangyarihan) at binago ng ganap ang kanyang pag-uugali. Muli, ang lahat ng ito ay ginawa upang mapanatili ang mga Karapatan ng Tao. Ang Allah (Diyos na Makapangyarihan) ang higit na nakakaalam.

Ang Islam ay nagtakda rin ng parusa laban sa lahat ng uri ng nakalalasing at naglalako ng bagay na nakalalasing. Ang pag-inom ng alak o paggamit ng mga ipinagbabawal na gamot ay mayroon ding parusa ayon sa Shariah sa pamamagitan ng hagupit. Malaya ang tao na kumain at uminom ng anumang nais niya.

Malaya siyang magdamit sa anumang nais niya ngunit ito ay nararapat na nasa hangganan ng batas ng Allah (Diyos na Makapangyarihan). Ipinagbawal ng Allah (Diyos na Makapangyarihan) ang ilang uri ng inuming nakalalasing, mga laman ng hayop at malalaswang pananamit na nagiging sanhi ng panlipunan at moral na suliranin. Ang Islam ay nagbabawal para sa isang mananampalataya na kumain ng laman ng patay na hayop, dugo ng anumang hayop, ang baboy at mga hayop na kinatay para sa pag-aalay nito sa mga diyos-diyosan.

Walang eksaktong parusa sa mga ganitong uri ng pagsuway sa Batas ng Allah (Diyos na Makapangyarihan) ngunit sinoman ang nakagawa ng ganitong pagkakasala ay nararapat na humingi ng kapatawaran sa Allah (Diyos na Makapangyarihan) at magsisi at magbalik loob sa Kanya at lisaning ganap ang ganitong masamang gawa. Ngunit kung siya ay nahuli na hayagang ginagawa ito, siya ay lalapatan ng kaukulang pagdidisiplina batay sa kabutihan ng buong lipunan at mamamayan. Ang tao ay pinagbabawalan ng anumang nakalalasing na inumin na hindi lamang nagbubunga ng masama sa kanyang sariling katawan, isip at pamilya ngunit higit sa lahat, ito ay nagbubunga ng masama sa kabuuan ng lipunan.

Kaya nga ayon sa Islam, ang alak at anumang nakalalasing ay tinatawag na “Ugat ng Kasamaan”. Ang paghagupit sa isang manginginom ay itinakdang parusa sa Islam upang bawasan ang paggamit ng mga nakasasamang bagay. Ang layon nito ay upang pangalagaan ang tao at ang kanyang sarili; ang kanyang kayamanan, kaisipan at katawan. At ito ay upang alisin din ang anumang panganib na kasusuungan sa buhay pang moral, kabuhayan, panlipunan ng isang tao. Ang ilan sa mga masamang bunga ng abusong paggamit ng nakalalasing na inumin ay ang mga sumusunod:

Ang isang lasing ay maaaring makagawa ng pagkakasalang pakikipag-apid o pangangalunya, at maging panggagahasa sanhi ng pagkalasing.

Ang ‘addict’ o taong lulong sa bawal na gamot ay nagiging inutil na mamamayan ng lipunan. Maaaring gumawa ito ng isang imoral na gawain upang makakuha lamang ng mga ipinagbabawal na gamot sa pamamagitan ng pagnanakaw o anumang krimen.

Ang kayamanan at panahon ay naaaksaya na nagkakaroon ng masamang bunga sa pamayanan at lipunan.

Ang lipunan ay napagkakaitan ng anumang kaunlaran o pagsulong ng dahil sa isang “addict”. Ito ay pagpapahiwatig ng pang-aabuso sa karapatan ng lipunan.

Ang isang ‘addict’ ay pansamantalang wala sa kanyang sariling pag-iisip o katinuan. Sa ganitong kalagayan maaaari siyang humantong sa isang malagim na pangyayari. Sinomang tao na nasa ilalim ng ipinagbabawal na gamot ay maaaring umasal na parang hayop at maging makahayop ang mga kilos at ugali. Hindi pinahihintulutan o hinahayaan lamang ng Islam ang ganitong asal. Kaya, ang Islam ay nagpasiya ng isang malawak at pangkalahatang alituntunin ng Shariah na nagtatakda ng kaukulang parusa katumbas ng kasalanang ito. Ang Allah (Diyos na Makapangyarihan) ay nagpahayag ng kaukulang parusa:

“Ang kabayaran para sa isang sugat ay isang sugat na katumbas nito (sa antas)…”
Qur’an 42:40

At sinabi rin ng Allah (Diyos na Makapangyarihan), mula sa Banal na Qur’an:

“At kung parurusahan sila, parusahan sila katulad ng parusang ipinadama nila sa inyo...”
Qur’an 16:126

Magkagayunman, ang Islam ay hindi isinasagawa ang parusang ito bagkus iniiwang bukas ang pintuan para sa kapatawaran upang isaalang-alang ang personal na karapatan at pananakit. Ang Allah (Diyos na Makapangyarihan) ay nagsabi:

“…Hayaang sila ay patawarin at magpaumanhin. Hindi mo ba nais na ang Allah ay magpatawad sa inyo? Sapagkat ang Allah ay mapagpatawad, ang Maawain.”
Qur’an 24:22

At ang Allah (Diyos na Makapangyarihan) ay nagpahayag din:

“…Ngunit kung ang isang tao ay nagpatawad at gumawa ng pakikipagkasundo, ang kanyang gantimpala ay nasa Allah…”
Qur’an 42:40

Ang Islam ay hindi naglalayong maghiganti sa isang nagkasala at hindi rin nagtatakda ang Islam ng masakit na parusa ng dahil lamang sa karahasan at kalupitan ng nagkasala laban sa mga mananampalataya. Ang pangunahin at mahalagang dahilan ng parusa ay upang mapanatili ang karapatan ng mga mananampalataya sa Islamikong Lipunan. Naglalayon ding mapanatili ang kapayapaan at kasarinlan at bigyang babala ang sinomang gumagawa ng mga kasamaan na mag-isip muna ng ilang ulit bago isagawa ang mga masasamang gawain laban sa lipunan. Nais ng Islam na linisin ang Lipunang Islamiko mula sa lahat ng uri ng katiwaliang gawain.

Kung ang isang mamamatay tao ay napag-isipan na siya ay papatayin sa pagpaslang niya sa isang tao, kung ang isang magnanakaw ay nakapag-isip na ang kanyang mga kamay ay puputulin ng dahil sa pagnanakaw, at kung ang isang nangangalunya ay nakapag-isip na siya ay hahagupitin, kung ang nagpaparatang ay nakapag-isip na siya ay makakalasap ng masakit na parusa ng paghahagupit, silang lahat ay magkakaroon ng takot na gawin ang mga masasamang gawa. Samakatuwid, ang Islamikong Lipunan ay ligtas at mapayapa. Ang Banal na Qur’an ay nagsabi:

Sa Batas ng pagkapantay-pantay (Al-Qisas), mayroong (kaligtasan ng) buhay sa inyo, O mga taong nakauunawa; upang kayo ay magkaroon ng sariling pagpipigil.”
Qur’an 2:179

Maaaring ang iba ay magsabi na ang mga itinakdang parusa sa Islam ay malulupit. Ang kasagutan ay simple lamang: Lahat ng tao ay nagkakaisa na ang mga krimen ay lubhang nakasasama sa lipunan. Lahat ng tao ay nagkakaisa at sumasang-ayon na ang mga krimen ay dapat sugpuin at ang mga taong gumagawa ng kasamaang ito ay dapat parusahan. Magkagayunman, ating ihambing ang katotohanan kung alin ang mabisang paraan para sa pagsugpo ng mga krimen, ang Batas ba ng Diyos o ang Batas na ginawa lamang ng tao?

Ang mga parusa ng Islamikong Batas ay maaaring malupit sa paningin ng mga nakakakita nito ngunit ito ay makatarungan, praktikal at makatuwirang parusa kapag sinuring mabuti. Ang mga Islamikong parusa, sa tulong ng Poong Maykapal (Ang Allah, U) ay sapat upang pawiing ganap ang lahat ng uri ng krimen mula sa Lipunang Islamiko. Ang katuwiran ay nag-uutos at nangingibabaw na bago mag-alay ng kabaitan sa isang kriminal, nararapat na ang karapatan ng biktima ay ipagkaloob at hindi dapat kalimutan. Ang isang masama o tiwali na tao ay dapat tanggalin mula sa lipunan katulad din na ang isang sakit sa katawan ay dapat alisin upang ang katawan ay manatiling malusog at malakas.

Ang ilang hindi nakauunawa sa Islam ay nagbigay paratang na ang lipunang Islamiko ay malupit na lipunan. At pinararatangan din na ang mga parusa at batas nito ay malupit. Karagdagan pa nito, ang ibang media ay nagpapalabas at naglalarawan ng mga mamamayang nasa ilalim ng Islamikong Lipunan na putol ang kamay o paa o di kaya ay may permanenteng kapansanan o mga taong hinagupit sa araw araw. Ang iba ay maaaring mag-isip o magbigay haka-haka na ang parusa sa Islam ay isinasagawa at ipinapatupad sa araw araw.

Dapat malaman ng lahat, na sa kasaysayan ng Islam, mayroon lamang ilang pagkakataon na ang pagbato hanggang mamatay ang naitala at naipatupad. Ang mga pagkakataong ito ay bihira at isinagawa lamang ng dahil sa kahilingan mismo ng mga nagkasala na umamin ng kanilang pagkakasala at nagpahayag ng pansariling pagnanasang lapatan ng parusang pagbato hanggang kamatayan. Ang mga ganitong tao ay nagnais na maging malinis mula sa kasalanang ito.