Ang Publiko at Pribadong Karapatan sa Islam

Pinagsisikapan ng Islam na mapatatag ang ugnayan ng mga mamamayan sa Islamikong pamayanan. Unang itinakda ng Islam ang karapatan ng mga malalapit na miyembro ng pamilya. Lahat ng mga magkakamag-anak ay mayroong karapatan sa bawat isa. Ang kahalagahan at ang kabuluhanan ay batay sa antas ng relasyon. Ang Allah (Diyos na Makapangyarihan) ay nagsabi batay sa Banal na Qur’an:

“O Sangkatauhan! Maging mapitagan at masunurin kayo sa inyong Panginoon na lumikha sa inyo mula sa isang tao (Adan) at mula sa kanya ay nilikha Niya ang kanyang asawa (Eba), at mula sa kanilang dalawa ay nilikha Niya ang maraming lalaki at babae. Matakot sa Allah, mula sa Kanya ay nanggaling ang inyong magkaugnay na karapatan at (huwag putulin ang ugnayan) ng mga sinapupunan (na nagluwal sa inyo) sapagkat katiyakan na ang Allah ay lagi nang nagmamasid sa inyo.”
Qur’an 4:1

Karagdagan pa, ang pangkaraniwang ugnayan ay hindi rin kinakaligtaan ng Islam. Ang iba’t-ibang ugnayan ng mga tao ang siyang bumubuo bilang lipunan, na siyang nagbubuklod sa mga tao upang maging malapit ang bawat isa sa pamayanan. Ang pagkakalayo ng mga tao ay dapat magkaroon ng ugnayan upang maging daan ng pagkakaisa at pagpapahalaga sa bawat isa. Kaya itinalaga ng Islam ang mga batayan para sa mapayapang pamayanan. Ang Allah (Diyos na Makapangyarihan) ay nagsabi batay sa Banal na Qur’an:

“Sila (Muslim na namumuno) kung Aming pagkakalooban ng kapangyarihan sa kalupaan, (sila) ay nag-uutos ng Salah (palagiang pagdarasal ng mataimtim), at pamamahagi ng Zakah (takdang tulong pangkawanggawa) at sila ay nag-aanyaya sa Al-Maruf (sa Kaisahan ng Allah at lahat ng ipinag-uutos ng Islam) at nagbabawal sa Al-Munkar (paganismo, kawalan ng pananampalataya at lahat ng ipinagbabawal ng Islam), at sa Allah nakasalalay ang kahihinatnan ng lahat ng pangyayari (ng mga nilalang).”
Qur’an 22:41

Ang uri ng pagpapatibay sa ugnayan ng bawat isa ay batay din sa salita ng Propeta ng Allah :

“Ang halimbawa ng mga mananampalataya sa pag-ibig, pagmamahal, pagtutulungan at pagdadamayan ay katulad ng isang katawan. Kung ang isang bahagi ng katawan ay may pananakit, ito ay nararamdaman ng buong katawan.”
Sahih Bukhari at Sahih Muslim

Samakatuwid, may mga itinalagang karapatang pampubliko at pampribado (pansarili) sa Islamikong pamayanan. Ang mga sumusunod ay ang mga pinakamahalagang bagay;

  1. Ang Mga Karapatan Ng Makapangyarihang Allah (Diyos na Makapangyarihan)
  2. Ang Karapatan ng Propeta Muhammad
  3. Ang Karapatan ng mga ibang Propeta
  4. Ang Karapatan ng Magulang
  5. Ang Karapatan ng Lalaki sa kanyang Asawa
  6. Ang Karapatan ng Babae sa Kanyang Asawa
  7. Ang Karapatan ng mga Anak
  8. Ang Karapatan ng mga Kamag-anak

 

Ang Pananalita tungkol sa Karapatan at Tungkuling Panlipunan

Ipinag-uutos ng Islam sa mga mananampalataya (Muslim) na makibahagi sa dalamhati at pagsubok ng mga kapatid sa Islam sa buong daigdig at inuutusang makipagtulungan sa abot ng kanilang kakayahan. Ang pakikipagtulungan sa kapwa Muslim ay hindi nakahangga lamang sa isang lugar bagkus ito ay pandaigdigan at hindi nito isinasaalang-alang ang lugar na namamagitan sa kanila. Ang Sugo ng Allah ayon sa isang pinagtibay na Hadith ay nagsasalaysay ng ganito:

“Ang mananampalataya sa kapwa niya mananampalataya ay katulad ng haligi ng isang gusali. Ang haligi ay nagpapatibay at nagtutuwid sa isa’t isa. Pagkaraan niyang isinalaysay ito, kanyang ipinagdikit ang kanyang mga daliri ng kanyang dalawang kamay.”
Hadith Bukhari at Muslim

Karagdagan pa nito, tuwirang inuutusan ng Islam na maging mapagtiwala sa kapwa Muslim at iwasan ang pag-iisip ng masama. Ayon sa Sugo ng Allah :

“Iwasan ang hinala. Ang panghihinala ang siyang pinakamalaking kasinungalingan. Huwag ninyong siyasatin ang mga masamang balita, mga pagkukulang at kapintasan ng inyong kapatid. Huwag maniktik sa inyong mga kapatid. Huwag makipagpaligsahan (ng may masamang pag-iisip at layunin) laban sa iyong kapatid. Huwag kamuhian ang iyong kapatid. Huwag kang lumayo mula sa iyong kapatid (sa oras ng kanyang pangangailangan at pakikiramay). O, mga alipin ng Allah, maging mabuting magkakapatid kayo sa isa’t isa katulad ng kautusang ipinag-aanyaya sa inyo. Ang Muslim ay nararapat na maging makatarungan sa kanyang kapatid na Muslim. Hindi niya ito hinahamak at inaalipusta. Hindi niya ito dapat ilagay sa anumang kapahamakan o panganib. Lahat ng bagay na pag-aari ng isang Muslim ay ipinagbabawal na gamitin ng kapwa Muslim (na walang pahintulot) o abusuhin ito (ng walang karapatan). Ang kabutihan (at maging ang kabanalan) ay naririto, itinuro niya ang kanyang dibdib (para sa puso). Sapat na kasamaan ang ilagay ang isang kapatid na Muslim sa kapahamakan. Lahat ng bagay na pag-aari ng isang Muslim ay ipinagbabawal sa kapwa niya Muslim, ang kanyang dugo (pagpatay sa kanya), ang kanyang dangal at pamilya at yaman. Katotohanan, hindi tinitingnan ng Allah ang inyong mga katawan, anyo at ayos kundi Kanyang tinitingnan ang iyong puso, ugali at kilos.”
Hadith Muslim

Isa pang patnubay ang ipinagkaloob ng Sugo ng Allah ng ipahayag niya na:

“Ang Muslim ay hindi maaaring maging tunay na mananampalataya hanggang hindi niya nais para sa kapwa niya Muslim ang nais para sa kanyang sarili.”
Hadith Bukhari

Ang mga pampublikong karapatan ay pangkaraniwan sa lahat ng kasapi ng Lipunang Islamiko:

  1. Ang Karapatan ng Namumuno sa Lipunan
  2. Ang Karapatan ng mga Mamamayan sa Tagapamahala
  3. Ang Karapatan ng mga Kapitbahay
  4. Ang Karapatan ng mga Kaibigan
  5. Ang Karapatan ng mga Dukha at Mahihirap
  6. Ang Karapatan ng mga Manggagawa
  7. Ang Karapatan ng mga Pinaglilingkuran
  8. Ang Karapatan para sa mga Ibang Nilikha
  9. At tungkol naman sa mga halaman at punongkahoy
  10. Ang Mga (ibang) bagay na dapat at hindi dapat gawin sa Islam