Ang Karapatan ng mga Mamamayan sa Tagapamahala

Ang mga Muslim sa isang Lipunang Islamiko ay may mga karapatan sa kanyang pamahalaan ayon sa mga sumusunod:

Ang Ganap na Katarungan

Ang bawat Muslim ay may karapatan na tumanggap ng pantay na pakikitungo sa Lipunang Islamiko. Lahat ng mamamayan na may karapatang tumanggap ng isang karapatan ay dapat ipagkaloob sa kanya ang kaukulang karapatan dito. Ang lahat ng mamamayan na may sari-sariling pananagutan o tungkulin ay nararapat na pakitunguhan ng makatarungan at pantay. Ang tungkulin o pananagutan mula sa mga mamamayan ay nararapat din paghati-hatiin sa paraang makatarungan at pantay. Walang sinomang tao, uri ng tao o pangkat ng tao ang dapat bigyan ng prioridad o pagtatangi kaysa sa iba pa. Ayon sa Sugo ng Allah(r):

“Ang pinakamamahal ng Allah sa Araw ng Paghuhukom at siyang pinakamalapit sa Kanya ay yaong makatarungang pinuno/Hukom. At ang pinakakinamumuhian ng Allah at ang pinakamalayo sa Kanya ay yaong mayabang at mapang-abuso/mapang-api.”
Hadith Tirmidhi

Ang Sanggunian

Ang mga mamamayan ay may karapatan sa sanggunian. Ang mga mamamayan sa Lipunan Islamiko ay may karapatang sanggunian tungkol sa mga paksa na nauukol sa kanilang kabuhayan at panlipunang gawain. Magkagayunman, ang sanggunian ay nararapat na gawin sa isang ordinaryong paraan lamang. Ang mga mamamayan ay dapat bigyan ng pagkakataong ipahayag ang kanilang kalooban o sariling opinion tungkol sa mga paksang nakaugnay sa kanilang pamayanan at lipunan.

Ang mga opinyon ay maaaring tanggapin kung ito ay naglalayong mapabuti ang kalagayan ng mamamayan sa pangkalahatang pananaw nito. Ito ay batay sa isang pangyayari nang ang Sugo ng Allah ay nakinig sa payo ng isang karaniwang kasamahan niya sa Digmaan ng Badr na nagbigay ng payo na baguhin ang lugar ng pananatili ng mga mandirigmang Muslim. Ang isang ordinaryong Muslim ay nagtanong sa Sugo ng Allah sa panahon ng digmaan, ‘O Propeta ng Allah.

Ito ba ay lugar na ipinag-utos sa iyo ng Allah at walang ng lugar na dapat pagpilian? ‘O ito ba ay isang stratehiyang pangdigmaan at balakin?’ Ang Sugo ng Allah ay sumagot ng mabilis, ‘Hindi, ito ay stratehiya ko’. Ang tao ay nagbigay ng payo, ‘O Propeta ng Allah ! Ito ay hindi tamang pagpili ng lugar para sa pananatili ng mga mandirigma. Tayo ay dapat humanap ng pinakamalapit sa patubigan ng ating mga kaaway at doon manatili. At pagkaraan ay ating tabunan ang lahat ng patubigan at gumawa tayo ng patubigan para sa ating pangkat. Samatuwid, maaari nating simulan ang pagkikipagdigma. Mayroon tayong sariling pagkukuhanan ng tubig samantalang ang ating mga kaaway ay walang pagkukuhanan.’ Ang Sugo ng Allah ay nagsabi:

“Katiyakang ang iyong binanggit ay siyang pinakamahusay na payo.”
Ibn Hisham Biography of the Prophet

Ang Alituntunin ng Islam

Ang batayan ng mga alituntunin (Islamic Rulings) at mga batas ay ang Shariah, Batas Islamiko. Ang Saligan ng mga Muslim na namumuno ay nararapat na nagmumula sa Banal na Qur’an, Sunnah at sa lahat ng pinagmumulan ng Islamikong Paghuhukom. Walang puwang rito ang pansariling haka-haka o kaya ay opinion kung mayroong mga pinagtibay na batas na maaaring pagbatayan. Ang mga haka-haka o pansariling opinyon ay maaaring magbunga ng pagkakamali at maaari din namang magbunga ng magandang payo.

Naririto ang isang pangyayari sa panahon ng pagiging pinuno (Khalifa) ni Omar Ibn Khattab (t). Kaharap niya ang isang taong nagngangalang Abu Maryam Al Saluli, na siyang pumatay sa kanyang kapatid na si Zaid Bin Khattab (t). Si Omar Ibn Khattab (t) ay nagsabi: “Isinusumpa ko sa Allah na hindi kita maaaring mahalin hanggang ang lupa ay magmahal sa dugo (ibig sabihin imposible) Ang nakapatay ay nagsabi: ‘Ito ba (pangyayaring ito) ay magiging hadlang para makuha ko ang anumang karapatan bilang Muslim? Si Omar ay mabilis na sumagot, “Hindi”…

Ang Patakarang Bukas Para sa Lahat

Ang isang namumuno ay hindi dapat isara ang pintuan sa pagtanggap ng mga payo o pamumuna. Ang namumuno ay hindi dapat maging asiwa o malayo ang kalooban sa kanyang mga mamamayan. Siya ay hindi dapat maglagay ng taong tagapamagitan na maaaring maging di pantay sa pagpili kung sino ang dapat makaharap o makausap ng namumuno habang ang iba naman ay pinipigilang makipagharap sa namumuno. Ayon sa aral ng Sugo ng Allah :

“Sinomang pinagkatiwalaan para sa pamumuno ng mga kabuhayan ng mga Muslim ngunit siya ay nagtago o umiwas na makipagkita sa kanila at hindi ito tumutugon sa pangangailangan nila, sa Araw ng Paghuhukom ang Allah ay hindi makikiharap sa kanya na magiging sanhi ng kanyang paghihirap at pangangailangan.”
Hadith Abu Dawood

Ang Awa para sa Mamamayan

Ang isang namumuno ay kailangang maawain at mabait sa kanyang mga kinasasakupang mamamayan. Hindi niya dapat bigyan ng mabigat na pasanin ang sinuman ng higit sa kakayahan nito. Hindi niya dapat pahirapan ang kanyang mga mamamayan upang mabuhay sa lipunang Islamiko. Nararapat niyang pakitunguhan ang mga matatanda katulad ng kanyang ama, ang isang kabataan katulad ng kanyang anak, at ang kasing gulang niya bilang kanyang mga kapatid. Siya ay nararapat na maging magalang sa mga matatanda, mabait at maawain sa mga kabataan, at mapagpaumanhin sa mga mamamayang kasing gulang niya. Ito ay batay sa Banal na Qur’an na nagpahayag ng ganito :

“Ito ay bahagi ng Awa ng Allah na kayo ay (napag-utusang) makipag-ugnayan sa kanila sa paraang may kabaitan. Kung ikaw ay naging malupit at matigas ang puso, sila ay lalayo mula sa iyo; kaya’t maging mapagpaumanhin sa kanilang pagkukulang, at dumalangin sa Allah para sa kanilang mga kasalanan; at sumangguni sa kanila sa mga gawain (pansamantala). Pagkaraan, kapag ikaw ay nagkaroon na ng pagpapasiya, magtiwala sa Allah . Sapagkat minamahal ng Allah ang nagtitiwala (sa Kanya).”
Qur’an 3:159

“ Ito ay batay rin sa aral na ipinagkaloob ng Sugo ng Allah :

“Nawa’y maging maawain ang Allah sa mga taong maawain (at mabait sa kapwa). Maging (mabait at) maawain sa mga tao sa mundong ito at ang Allah ay magiging higit na maawain sa iyo.”
Qur’an 3:159

Katotohanan pa nito, si Omar Bin Khattab (t), ang pangalawang Khalifa ay minsang nagsabi:

“Isinusumpa ko sa Ngalan ng Allah! Kung ang isang babaeng kamelyo ay nahulog sa daan sa Iraq, ako ay nangangambang tanungin ako ng Allah sa Araw ng paghuhukom (tungkol dito). (at sabihing) ‘O! Omar, bakit hindi mo binigyang daan ang babaeng kamelyo?”