Ang Karapatan para sa mga Ibang Nilikha

Lahat ng alagang hayop ay nararapat ng pakainin ng maayos, malinis na pinangangalagaan at pakitunguhan ng may kabaitan. Ang Sugo ng Allah ay nagsabi:

“Ang isang babae ay nangyaring mapasok sa Impiyerno ng dahil sa isang pusa. Ikinulong niya ang pusa hanggang ito ay namatay. Hindi niya pinakain ang pusa at hindi man lamang pinainom ng tubig at hindi rin pinahintulutang makawala upang humanap ng kanyang makakain.”
Hadith Bukhari at Muslim

Ang lahat ng hayop ay nararapat na pangalagaan batay sa Islamikong kautusan at aral. Ang mga hayop na nagpapasan o nagdadala ng mga bagay-bagay ay hindi dapat bigyan ng higit na bigat na pasanin na magiging sanhi ng kahirapan nito sa pagpapasan. Ang mga hayop ay hindi dapat saktan, pagmalupitan sa anupamang kadahilanan. Ang Sugo ng Allah ay nagsabi :

“Isinusumpa ng Allah ang isang tao na sinunog (hinero) ang hayop upang lagyan ito ng tanda.”
Hadith Bukhari at Muslim

Ipinagbabawal din ng Islam sa tao na gawing aliwan ang isang hayop sa pamamagitan ng pagpana nito ng buhay na nagiging sanhi upang ang inosente at kaawa-awang hayop ay magdusa sa kamay ng tao. Isinalaysay ni Ibn Omar (t) nang nadaanan nito ang isang pangkat ng kabataang Quraish na pinapana nila ang isang ibon. Tinanong ni ibn Omar (t) kung sino ay may kagagawan nito. At pagkaraan ay nagsabi: ‘Nawa’y sumpain ng Allah ang taong ginagawang asintahan ang isang buhay na hayop (gaya ng pagpapana sa ibon)’. At si Ibn Omar (t) ay nagsalaysay tungkol sa isang Hadith na may kaugnayan sa ganitong pagmamalupit sa mga hayop.

“Nawa’y sumpain ng Allah ang sinomang nagsagawang asintahan ang buhay na hayop (halimbawa ang pagpana sa isang buhay na nilalang).”
Hadith Bukhari at Muslim

Itinatakwil at kinamumuhian din ng Islam ang pagputol-putol ng katawan ng isang hayop pagkaraan ito ay patayin na walang makatuwirang dahilan(Hadith Bukhari ).

Ipinagbabawal din ng Islam ang pananakot o pananakit sa mga hayop. Ito ay batay sa isang Hadith na isinalaysay ni Ibn Masoud (t).

“Kami ay nasa isang pangkat ng Sugo ng Allah. Siya ay umalis upang gumamit ng palikuran. Habang siya ay wala, aming napansin ang isang babaeng ibon kasama nito ang dalawang maliit niyang anak. Aming kinuha ang mga anak nito. Ang ina ng mga maliliit na ibon ay lumipad sa itaas ng ulo ng Sugo ng Allah (na tila nagsusumbong). Nang bumalik ang Sugo ng Allah, napansin niya ang aming ginawa.” Siya ay nagtanong: “Sino ang kumuha ng dalawang maliliit na anak ng ibong ito na siyang sanhi ng kalungkutan at pagdadalamhati nito? Ibalik ang mga anak sa kanyang ina.”
Hadith Abu Dawud

Ipinag-uutos din ng Islam na gawing magaan ang pagkatay sa isang hayop na ang layon ay upang kainin. Ang Islam ay nagtuturo na hindi dapat iharap ang matalim na kutsilyo sa harapan ng hayop na kakatayin o kaya habang ang mga hayop ay nakikita ito. Ang mga hayop na kakatayin ay hindi dapat bakliin ang mga leeg o kaya ay balatan bago ganap na katayin. Ganoon paman, ang Islam ay nag-uutos na dapat patayin ang mga hayop o insekto na nakapipinsala sa tao. Sapagkat ang buhay ng tao ay banal at mahalaga. Ang tao ang siyang pinakamarangal o dakila sa paningin ng Allah (Diyos na Makapangyarihan). Katulad ng paliwanag sa naunang paksa, ang tao ang siyang pinakakorona sa lahat ng nilikha. Ang Allah (Diyos na Makapangyarihan) ay nagsabi:

“At tunay nga na Aming pinarangalan ang mga anak ni Adan; pinagkalooban ng masasakyan sa mga lupain at karagatan; At Amin silang ginawaran ng kabuhayan na mabuti at wagas; at Amin silang pinagpala ng higit sa karamihan ng Aming mga nilikha na may tanda ng pagtatangi.”
Qur'an 17:70

Binigyang-diin ng Islam na maging maawain sa mga hayop. Katotohanan pa nito, ang magandang pangangalaga ng may kabaitan sa mga hayop ay isang paraan ng pagtanggal ng mga kasalanan at ang pagpasok sa paraiso. Ang Sugo ng Allah ay nagsabi:

“Habang ang isang lalaki ay nasa kanyang paglalakbay sa disyerto, siya ay nakadama ng pagkauhaw. Sa paghahanap niya ng tubig, kanyang natagpuan ang isang balon. Siya ay bumaba sa balon ng may kahirapan, uminom siya at umahon. Sa bukana ng balon, napansin niya ang isang ligaw na aso na sinisipsip ang dumi ng dahil sa masidhing uhaw. Napag-isip ng lalaki na ang asong ito ay masidhing uhaw na katulad din niya. At dahil walang matagpuang lalagyan para ibigay sa nauuhaw na aso, inalis niya ang kanyang sapatos, bumabang muli sa balon at pinuno ng tubig ang sapatos, tinanganan niya ang sapatos sa pamamagitan ng kanyang mga ngipin at muling umakyat at umahon mula sa balon. At ipinainom ng lalaki sa aso ang tubig na nasa sapatos. Ang Allah ay tumingin sa lalaking ito ng may awa ng dahil sa ginawang tulong sa aso. Nasiyahan ang Allah sa ginawa ng lalaki at Kanyang pinatawad ang mga kasalanan nito. Ang mga kasamahan ng Sugo ng Allah na nakikinig ay nagtanong:’ kami ba ay ginagantimpalaan sa mga kabutihang ginagawa para sa mga hayop. Siya (Sugo ng Allah ) ay sumagot: ’Oo, ito ay tiyak na mayroong gantimpala sa anumang tulong na ipinagkaloob sa anumang (buhay) humihingang hayop.”