Ang Mga Karapatan Ng Makapangyarihang Allah (Diyos na Makapangyarihan)

Ang mga pangunahing mga karapatan ng tao sa Allah (Diyos na Makapangyarihan) ay ang Sambahin Siya ng Ganap at Lubos at wagas. Ang Allah (Diyos na Makapangyarihan) ay hindi dapat bigyan ng anumang pagtatambal o pag-uugnay sa pagiging Diyos at walang dapat iugnay na anak sa Kanya (Diyos na Makapangyarihan). Wala Siyang kahati o kasalo sa pagiging Diyos. Ang lahat ay kanyang nilikha at Siya ang Tanging Nag-iisang Tagapaglikha. Ang tao ay dapat magpahayag ng pagsaksi sa katotohanan. Ang tao ay dapat magpahayag ng panunumpa at pagsaksi na walang ibang diyos na dapat sambahin maliban sa Allah (Diyos na Makapangyarihan). Ang pagpapahayag at pagsaksi nito ay nangangailangan ng mga sumusunod na patakaran:

Ganap na Pananampalataya, Pananalig, at Paniniwala

Dapat isuko ng tao ang kanyang buong pagkatao at kaisipan sa pananampalataya, pananalig at paniniwala sa Allah (Diyos na Makapangyarihan). Nararapat niyang ipahayag ng may katapatan at buong puso ang pagtanggap na walang ibang diyos maliban sa Allah (Diyos na Makapangyarihan). Siya, bilang Diyos, ay walang kasama, katulong o anak o maging anupaman. Sa Allah (Diyos na Makapangyarihan) ang pagmamay-ari ng lahat ng nasa kalangitan at ng kalupaan at mga bagay na nasa pagitan ng mga ito.

“Dapat na malaman na walang ibang diyos maliban sa Allah at humingi ng kapatawaran para sa inyong mga kakulangan at para sa mga lalaki at babaeng may paniniwala: sapagkat ang Allah ay nakababatid kung paano kayo kumilos at kung paano kayo mamahay sa inyong mga tahanan.”
Qur’an 47:19

Ang Tanging Pagsamba at Tuwirang Pagdalangin

Ang ganap na pagsamba ay para lamang sa Allah, ang Panginoon ng lahat ng nilikha. Bukod sa Kanya ay wala ng iba pang dapat sambahin tuwiran man o hindi tuwiran. Lahat ng pananalita, gawa, kilos at natatagong layunin ay nararapat na umaalinsunod sa anumang ipinag-uutos o itinakda ng Allah (Diyos na Makapangyarihan). Lahat ng gawain ay nararapat na ginagawa para sa kasiyahan ng Allah (Diyos na Makapangyarihan). Ang Makapangyarihang Allah ay nagsabi:

“Ang inyong Panginoon ay nagsabi: ‘Dumalangin sa Akin; Aking kayong diringgin (ang inyong dalangin): ngunit silang mapagmataas (di sumusunod) upang maglingkod sa Akin, katiyakang kanilang matatagpuan ang sarili sa Impiyerno, ng may kahihiyan.”
Qur’an 40:60

Isang halimbawa ng pagsamba ay ang pagsasagawa ng itinakdang pagdarasal (salah). Ang isa sa bunga ng pagsasagawa at pagsasakatuparan ng naturang pagdarasal ay upang mag-anyaya sa paggawa ng mga kabutihan at pigilin ang mga gawaing makasalanan. Ang Allah (Diyos na Makapangyarihan) ay nagsabi batay sa pahayag ng Banal na Qur’an:

“Bigkasin kung ano ang ipinahayag mula sa Aklat (Qur’an) sa pamamagitan ng inspirasyon sa iyo, at magsagawa ng palagiang pagdarasal; sapagkat ang pagdarasal ay pumipigil mula sa mga nakahihiya at di makatarungang gawa; at ang pagbibigay ala-ala sa Allah ay pinakadakilang (bagay sa buhay) na walang alinlangan. At nababatid ng Allah ang inyong mga gawain.”
Qur’an 29:45

Ang pagbabayad ng Zakah, ang itinakdang kawanggawa sa mga kapuspalad at mahihirap ay ginagawang malinis at wagas ang sarili. Inilalayo ang tao mula sa karamutan at kasakiman. Ang taong nagbibigay ng kawanggawa ay nagiging mapagbigay at maalalahanin sa kapwa lalo sa mga mahihirap at dukha. Ang Allah (Diyos na Makapangyarihan) ay nagsabi batay sa Banal na Qur’an:

“Yaong gumugugol ng kanilang mga yaman para sa karagdagang paglilinis at pagiging wagas ng sarili, at sa kanilang isipan ay walang inaasahang kapalit mula sa mga pinagbigyan, isang gantimpala mula sa Allah ang nakalaang kapalit nito. Ngunit (sila na nagkakawanggawa) ay naghahangad lamang upang masilayan ang mukha ng kanilang Panginoong Kataas-taasan”
Qur’an 92:18-20

Ang pag-aayuno ay nagtuturo sa tao na maging matiisin at pinipigil ang sarili laban sa mga masamang pagnanasa at mga tukso. Ito ay nagbibigay ng mabuting pagdidisiplina at nagbibigay kakayahan sa tao upang madama nito ang diwa ng kabanalan at pagiging maka-diyos, isang konsepto na mahirap bigyan ng katugunan at ilarawan. Mula sa Banal na Qur’an, ang Allah (Diyos na Makapangyarihan) ay nagsabi:

“O kayong mananampalataya! Ang pag-aayuno ay ipinag-utos sa inyo katulad ng pag-uutos sa mga naunang mamamayan sa inyo, upang kayo ay magkaroon (at matuto) ng pagpipigil sa sarili.”
Qur’an 2:183

Ang pagsasagawa ng Hajj (pagdalaw sa Makkah) ay mayroong natatanging kadahilanan sapagkat ang Allah (Diyos na Makapangyarihan) ay nagsabi:

“Na kanilang masaksihan ang mga kabutihang (ipinagkaloob) para sa kanila, at ipagdiwang ang pangalan ng Allah, mula sa mga Araw na Itinakda, sa (pamamagitan ng pagkatay ng) hayop na Kanyang ipinagkaloob; sa gayon kayo ay kumain mula dito at ipamahagi (o ipakain) sa mga kapuspalad na nangangailangan.”
Qur’an 22:28

Ang lahat ng uri ng pagsamba sa Islam ay maaaring isagawa at isakatuparan ng isang taong may kakayahang isagawa at tuparin ang mga ito na ipinag-utos ng Allah (Diyos na Makapangyarihan) bilang tungkuling ipinataw sa balikat ng isang taong nagnanasang maglingkod sa kanyang Panginoon, ang Allah (Diyos na Makapangyarihan). Ang Islam ay likas at praktikal na relihiyon. Hindi itinakda ng Allah (Diyos na Makapangyarihan) ang isang gawain sa tao ng hindi nito makakayanan. Batay sa Banal na Qur’an ang Allah (Diyos na Makapangyarihan) ay nagsabi:

“…Ang Allah ay naglalayon ng lahat ng gaan para sa inyo. Hindi Niya nais na ipataw sa inyo ang kahirapan (sa pagsasakatuparan ng tungkulin)...”
Qur’an 2:185

At ito ay pinagtibay naman ng isang Hadith mula sa Sugo ng Allah :

“Kung ipinag-utos ko sa inyo ang isang gawain, gawin ito sa abot ng inyong makakayanan.”
Bukhari

Ang mga gawaing pagsamba, magkagayunman, ay maaaring ganap na talikdan na may kapahintulutan sa pagkakataong may nahaharap na kahirapan sa pagsasagawa nito. Ang pahintulot na ito ay hindi maaaring isaalang-alang bilang pagtalikod sa mga gawaing pagsamba. Halimbawa, ang pagtayo ay kailangan sa pagsasagawa ng pang-araw-araw na pagdarasal. Kung ang isang mananampalataya ay walang kakayahang tumayo upang magsagawa ng pagdarasal, maaari niya itong isagawa ng nakaupo. Kung hindi niya magawa sa pamamagitan ng pag-upo, maaari niyang isagawa ito sa nakahilig ang sarili sa katawan niya sa ganoong kalagayan o sa anumang paraan na magaan sa kanyang kalagayan.

At kung ang mananampalataya ay hindi magawang tuparin ang pagdarasal sa alinmang nabanggit sa itaas, maaari niyang isagawa ito sa pamamagitan ng paggalaw ng kanyang mga mata at maaari niyang isagawa sa pamamagitan ng senyas para sa pagtayo, pagyuko, pagsubsob at pag-upo. Katulad din naman ng isang lalaking Muslim na may tungkuling isagawa ang pagdarasal sa Masjid (sama-samang pagdarasal). Ang patakarang ito, gayunpaman, ay maaaring hindi na isaalang-alang kung mayroong pinangangambahang masamang mangyayari, sa labis na lamig o init ng panahon, pag-ulan at iba pang kalagayan.

Sa pagsasagawa ng Wudhu, (paghuhugas ng ilang bahagi ng katawan bago ang pagdarasal) ang tubig ay siyang pangangailangan ngunit kung ito ay wala, ito ay maaaring ipagpaliban at magsagawa ng tayamum, (dry Ablution). Ang isang babae ay hindi kinakailangang magdasal sa panahon ng pagdurugo o pagkaraan ng kanyang panganganak hanggang malagpasan niya ang mga panahong iyon. At ang mga nakaligtaang pagdarasal ay hindi nangangailangan ng kabayarang dasal.

Ang isang Muslim, babae man o lalaki ay hindi kailangang magbayad ng Zakah kung ang kanyang naipong salapi ay hindi umabot sa itinakdang Nisab (ang hangganang pamantayan ng pagbabayad ng Zakah).

Ang isang matanda na walang kakayahang mag-ayuno at ang maysakit na mahihirapang mag-ayuno ay ligtas mula sa pag-aayuno. Kailangan lamang na sila ay magbayad sa pagpapaliban sa pamamagitan ng pagpapakain ng isang mahirap na tao sa bawat araw ng kanilang pagliban sa pag-aayuno. Ang naglalakbay ay maaaring hindi mag-ayuno sapagkat ang paglalakbay ay may kaakibat na hirap at pagod. Maging ang babaeng nasa kabuwanang pagdurugo at panganganak ay ligtas sa itinakdang pag-aayuno. Kinakailangan lamang nilang bayaran ito sa panahong wala na ang pagdurugo.

Ang Hajj, ay hindi tungkulin ng isang walang kakayahang magsagawa nito sa dahilan ng kawalan ng kalusugan o pananalapi. Datapwa’t ang taong may kakayahang salapi ngunit ang katawan ay walang kakayahan, ay maaaring magbayad sa isang tao upang isagawa ito para sa kanya. Ang isang taong walang kakayahang pananalapi ay kinakailangan munang asikasuhin ang pangangailangan ng kanyang pamilya bago siya magkaroon ng tungkuling pagsasagawa ng Hajj. Ang Banal na Qur’an ay nagsabi:

“Naririto ang palatandaang hayag (malinaw): Ang yapak ni Abraham, na sinoman ang pumasok rito ay makakamtan ang kapanatagan; ang paglalakbay (Hajj) ay isang tungkulin ng tao sa Allah na dapat tuparin, silang may kakayahan sa paglalakbay; ngunit sinoman ang nagtakwil ng pananampalataya, walang anumang pangangailangan ang Allah mula sa Kanyang mga nilikha.”
Qur’an 3:97

Kung ang tao ay nakakaranas ng kakulangan ng pinahihintulutang pagkain at siya ay nasa bingit ng kamatayan, siya ay pinahihintulutang kumain ng pagkaing ipinagbabawal (katulad ng laman ng baboy). Ang pagkain na ipinagbabawal ay naglalayon lamang upang matighaw ang pansamantalang gutom. Ang kautusang ito ay batay sa Banal na Qur’an:

“Ipinagbabawal Niya ang (pagkain ng) laman ng patay na hayop, at ang dugo, at ang laman ng baboy, at iba na kinatay sa ngalan ng ibang sinasambang mga diyos-diyosan bukod sa Allah . Ngunit sa tawag ng mahigpit na pangangailangan, na hindi naglalayong sumuway o di kaya lumagpas sa kaukulang hangganan, magkagayon, siya ay hindi nagkasala (kung siya man ay nakakain). Sapagkat ang Allah ay Lagi ng Mapagpatawad, Ang Maawain.”
Qur’an 2:173

Si Sayyid Qutub, isang kilalang iskolar, ay nagbigay puna tungkol sa talatang nabanggit sa itaas, “Ito ay isang paniniwala o isang relihiyon, na tinatanggap (o kinikilala) ang sangkatauhan bilang tao. Ang tao ay hindi tinitingala bilang anghel o di kaya isang demonyo. Ang tao ay isinasaalang-alang ayon sa kanyang kakayahan. Ang lahat ng kanyang kahinaan ay isinasaalang-alang din sa larangan ng kanyang pagsasakatuparan ng tungkulin sa pagsamba.

Ang kanyang lakas ay isinasaalang-alang din sa larangan ng pagsasakatuparan ng kanyang tungkulin sa Islam. Samakatuwid, ang tao ay tinitingala at itinuturing sa kanyang kabuuang pagiging tao. Ang kaluluwa ng tao, ang kanyang pisikal na pangangailangan, likas na pagnanasa, kakayahang pangkaisipan, damdamin at iba pang pangangailangan ay lahat ay isinasaalang-alang sa pagsasagawa ng mga ibat ibang uri ng pagsamba. Walang pagpapahirap o pagpapasan ang ipinapataw sa kanya ng higit sa kakayahan ng tao.”

Ang isang mananampalataya ay iniuutusang magkaroon ng ganap na paniniwala at pananalig sa mga Pangalan o Banal na Katangian na tinataglay ng Allah (Diyos na Makapangyarihan) sa Kanyang Sarili o yaong mga Katangian na ipinahayag o sinabi ng Sugo ng Allah . Ipinagbabawal sa tao na magbigay o mag-ugnay ng anumang katangian o pangalan sa Allah (Diyos na Makapangyarihan) na hindi naman ipinahayag o sinabi ng Allah (Diyos na Makapangyarihan) o maging ng Kanyang Sugo (r).

Ang isang mananampalataya ay hindi dapat magbigay ng walang kabuluhang pagpapaliwanag o magbigay ng pagkakahalintulad o paghahambing tungkol sa mga katangian o pangalan ng Allah (Diyos na Makapangyarihan) batay lamang sa kanyang sariling haka-haka o pala-palagay. Ito ay batay sa pahayag ng Banal na Qur’an:

“…Walang anuman ang makakatulad (at makakapantay) Niya. At Siya ang nag-iisang (ganap) na nakaririnig at (ganap) na nakakakita sa lahat ng bagay.”
Qur’an 42:11

Ang tao ay kinakailangang ibigay ang kanyang ganap na pagtalima at pagsuko sa Kalooban ng Allah (Diyos na Makapangyarihan). Ito ay ipinahahayag sa pamamagitan ng tapat na pagsunod sa lahat ng Kautusan ng Allah (Diyos na Makapangyarihan). Ito ay batay sa kautusan na nakatala sa isang talata ng Banal na Qur’an:

“Hindi naaangkop sa isang mananampalataya, lalaki o babae, na kapag ang isang bagay ay napagpasiyahan na ng Allah at ng Kanyang Sugo, na magkaroon pa ng ibang pagpipilian hinggil sa kapasiyahan: sinoman ang nagnasang sumuway sa Allah at sa Kanyang Sugo, siya ay tunay na nasa maling landasin.”
Qur’an 33:36

Ang mananampalatayang Muslim ay nararapat na bigyang ganap at wagas ang pagmamahal niya sa Allah (Diyos na Makapangyarihan) at maging sa Sugo ng Allah . Ang pagmamahal na ito ay kailangang mangibabaw kaysa sa kaninumang pagmamahal. Ang kautusang ito ay batay sa Banal na Qur’an na nagpahayag ng ganito:

“Sabihin: Kung ang inyong mga ama, ang inyong mga anak, ang inyong mga kapatid, ang inyong mga asawa o kamag-anak, ang inyong kayamanan na inyong pinagkitaan, ang inyong kalakal na inyong pinangangambahang mabawasan, o ang inyong mga tahanan ng inyong kinagigiliwan- ay higit ninyong minamahal kaysa sa Allah, o ng Kanyang Sugo o ang pakikipaglaban sa landas ng Allah—kung gayon inyong hintayin ang tungkol sa pasiya ng Allah at hindi pinapatnubayan ng Allah ang mga naghihimagsik.”