Ang Pangangalaga sa Yaman

Ang Islam ay nangangalaga sa pansariling kayamanan at ito ay nagpataw ng mahigpit na pagpaparusa laban sa pagnanakaw at mga nagnanakaw. Ito ay ginagawa upang makatiyak ng pangangalaga ng mga kayamanan ng bawat mamamayan at lahat ng kanilang ari-arian. Kaya ang Islam ay naglapat ng Pangunahing Kaparusahang pagputol ng kamay sa mga taong magnakaw sa mga pag-aari ng iba. Ang Makapangyarihang Allah ay nagsabi batay sa Banal na Qur’an:

“At para sa magnanakaw, lalaki man o babae, putulin ang kanilang mga kamay, bilang kabayaran sa kanilang ginawang krimen, isang kaparusahan bilang pakitang halimbawa mula sa Allah. At ang Allah ay Dakila sa Kapangyarihan, Tigib ng Karunungan.”
Qur’an 5:38

Ang pamamaraan ng pagputol ng kamay ng isang nagnakaw ay nasa kaayusan. Hindi ito pabigla-bigla katulad ng mga sinasabi ng mga ibang samahan na laban sa Islam. Ang mga batayan sa mga patakaran nito ay dapat masunod bago putulin ang kamay ng nagnakaw. Ang mga ito ay ang mga sumusunod:

Ang ninakaw na bagay, salapi o mahahalagang ari-arian ay kailangang nasa isang masinop na lalagyan at ang magnanakaw ay dapat sinira o binasag niya ang kinalalagyan nitong mahalagang bagay na ninakaw. Samakatuwid, kung ang ninakaw na bagay ay nasa labas at hindi nakasinop, hindi makatuwiran na putulin ang kamay ng nagnakaw. Datapwat, ang nagnakaw ay mapapasa-ilalim din sa pagpaparusa. Ang may-ari ng ninakaw, sa ganitong kaso, ay maituturing bilang isang pabaya sa kanyang mahalagang pag-aari.

Hindi kabilang dito ang pagkaing ninakaw para pangtawid gutom. Kung ang hangarin ng pagnanakaw ay para makakain, ang kamay ng magnanakaw ay hindi mapuputol. Ang iniulat na ito ay batay sa pangyayari noong kapanahunan ng pangalawang Khalifa na si Omar bin Al-Khattab (t) na ang panahon noon ay taon ng Tag-gutom. Hindi pinairal ang pangunahing kaparusahan dahil sa umiiral na pangkalahatang kalagayan na tag-gutom.

Ang halaga ng bagay na ninakaw ay kailangang hindi humigit kumulang sa halaga na itinakda ng batas para sa pagputol ng kamay ng nagnakaw.

Kinakailangang bigyang-diin dito na ang Pangulong Kaparusahan ay hindi ipinaiiral hanggat walang maliwanag na ebidensiya at walang anomang pag-aalinlangan sa isip ng Huwes na Muslim. Ito ay batay sa salita ng Propeta ng Allah ;

“Dapat mapigil ang pagsasagawa ng Pangulong Kaparusahan kung may nakitang anumang pag-aalinlangan o dili kaya ay maaaring may nasilip na pagkukulang sa paglilitis ang Huwes.”

Ang Islamikong Hukumang Tagapaghatol, gayon pa man, samantalang pinipigil ang Pangulong Kaparusahan para sa krimeng nagawa, ay nagbaba ng ibang uri ng pangdisiplinang pagpaparusa. Ang ganitong kaparusahan ay mas mababa kaysa sa Pangulong Kaparusahan. Ito ay nasa pagpapasiya ng Muslim na Huwes at batay sa uri ng kaso at sa kalubhaan ng krimeng ginawa at sa gumawa mismo ng krimen at sa kanyang mga nakaraang kriminal na kaso. Ang pangdisiplinang kaparusahan ay maaaring pagkulong, paghampas sa harap ng publiko o mahigpit na pangangaral ng huwes o kaya ay ang pagbabayad ng multa para sa krimeng nagawa.

Karagdagan pa dito, ipinagbabawal ng Islam ang lahat ng uri ng paglapastangan laban sa mga pribadong ari-arian at lupain. Ito ay batay sa talata ng Banal na Qur’an:

“At huwag lustayin ang inyong mga ari-arian sa pamamagitan ng luho at huwag gamitin ito para sa pagsuhol sa Hukom na maaaring maglayon ng maling pag-iimbot at paglustay sa ari-arian ng ibang tao.”
Qur’an 2:188

Samakatuwid, ang nagkasala sa kasong pagnanakaw ay mapaparusahan ng kaukulang parusa sa Araw ng Paghuhukom. Ito ay batay sa pag-ulat ng Propeta ng Allah :

“Kung sino man ang naghangad ng hindi makatarungan sa mga salapi o kayamanan ng ibang Muslim na wala siyang karapatan, nasa matinding galit ang Allah sa pagkakataon (o oras) ng kanyang pagharap sa Allah.”
Mosnad Ahmad

Ito ay batay din sa isa pang salita ng Propeta ng Allah

“Kung sino man ang umagaw o nag-angkin sa gadangkal na haba ng lupa (ng ibang Muslim), parurusahan ng Allah ang naniil na ito sa Araw ng Paghuhukom at paliligiran siya ng pitong mundo (sa kanyang leeg).”
Ibid

Karagdagan dito, iniuutos ng Islam na ang naniil o nagnakaw ay kailangang maibalik niya ang halaga ng kanyang ninakaw na pag-aari ng ibang Muslim o kaya ay dapat pilitin na bayaran niya ng sapat na halaga ang kanyang mga ninakaw. At ang nagnakaw sa ganitong pagkakataon ay kailangang maparusahan ng paghampas, batay sa pasiya ng Huwes na Muslim.

Datapwa’t binibigyan ng pagkakataon ng Islam ang may-ari ng kayamanan na pangalagaan ang kanyang pag-aari kahit ito ay humantong sa pagpatay niya sa aktong pagnanakaw nito. At kung napatay niya ang magnanakaw nang dahil sa kanyang pagtatanggol, siya ay hindi mananagot. At kung napatay siya ng magnanakaw dahilan sa pagtatanggol ng kanyang mga pag-aari, siya ay maituturing na isang martir. Ito ay batay sa salita ng Propeta ng Allah :

“Sinoman ang namatay dahil sa pagtatanggol niya sa kanyang mga kayamanan (pag-aari), siya ay katiyakang isang Martir”