Ang Pangangalaga sa Dangal

Hindi pinahihintulutan ng Islam ang anomang pakikiapid at pangangalunya. At ipinagbabawal din ang lahat ng uri ng gawain na nagiging daan para mahulog sa karumal-dumal na krimeng ito laban sa sarili, sa ibang tao at sa buong pamayanan. Sa pagkakataong ito, ang Islam ay hindi naiiba sa naunang mga dakilang relihiyon.

Ngunit ang Islam ay pumalaot pa sa puntos ng higit pang pagpipigil nito, na pati ang mga mahalay na kilos o asal bilang panghihimok o pang-akit upang makagawa ng krimeng ito laban sa pamayanan ay ipinagbabawal din.Bawal ding tumingin sa mga babae o lalake na tinging nang-aakit o makatawag pansin sa mga ito.

Karagdagan pa dito, ipinagbabawal din ng Islam sa mga hindi magkamag-anak na babae at lalaki (na maaaring maging asawa) na magsama sa ilang na lugar. At pinagbabawal din ng Islam ang mga may pagnanasang paghipo o paghawak ng magkabilang kasarian (babae at lalaki) at bawal din ang pagsasalamuha at pakikipaghalo ng magkabilang kasarian. Ang mga ito ay pumipinid sa lahat ng posibleng hantungan upang makagawa ng ano mang uri ng pangangalunya at pakikiapid. Ito ay batay sa talata ng Banal na Qur’an:

“At huwag kayong magtangkang lumapit man lang sa bawal na pakikipagtalik; dahil ito ay nakakahiya (Fahishah; paglampas sa hangganan ng pagsuway) at malaking kasalanan, at magbubunsod sa ibang daan (ng kasalanan)”.
Qur’an 17:32

Batay din ito sa ibang talata ng Banal na Qur’an:

“Ipahayag! Halina kayo, aking bibigkasin (sa inyo) kung ano ang mga ipinagbabawal ng Allah sa inyo; huwag kayong magtambal ng anupaman sa pagsamba sa Kanya, maging mabuti at masunurin sa inyong mga magulang, huwag ninyong patayin ang inyong mga anak dahil sa kahirapan; Kami ang nagkakaloob ng ikabubuhay nila at ninyo, huwag kayong lumapit sa kahiya-hiyang kasalanan (bawal na pakikipagtalik at iba pa), kahit na ito ay ginawa ng lantad o lingid, at huwag kayong pumatay ng sinomang ipinagbawal ng Allah, maliban kung ito ay sa makatarungang dahilan (na ayon sa Batas Islamiko). Ito ay kanyang ipinag-utos sa inyo upang kayo ay makaunawa.”
Qur’an 6:151

Samakatuwid, ang Islam ay naghanda ng Pangunahing Kaparusahan (capital punishment) sa mga binata at dalaga na nagkasala ng pakikiapid. Ang Allah (Diyos na Makapangyarihan) ay nagsalita batay sa Banal na Qur’an:

“Ang babae at ang lalaki na nagkasala ng bawal na pakikipagtalik, hagupitin sila ng isang daang hampas. Huwag hayaan ang awa ay mangibabaw sa inyo upang pumigil sa inyo sa ganitong kaso, sa kaparusahan na inihatol ng Allah, kung kayo nga ay sumasampalataya sa Allah at sa Huling Araw. At hayaang ang isang pangkat ng mga sumasampalataya ay makasaksi sa kanilang parusa.”
Qur’an 24:2

Ang Propeta ng Allah ay nagdagdag ng paliwanag sa lubhang kaselanan ng pagkakasala sa krimeng bawal na pakikipagtalik at sinabi:

“Wala ng mas mabigat na kasalanan [sa Paningin ng Allah at sa Islam] sa kasalanang pagtatambal ng ibang diyos sa pagsamba sa Allah at wala ng mas mababa pa sa paningin ng Allah kaysa sa naglagay ng punlay sa maselang bahagi ng babae ng lalaking walang karapatang maglagay dito (sa bawal na pakikipagtalik).”
Ibn abid-Dunya

At sa mga may asawang lalaki at babae na nakagawa ng pakikiapid sa ilalim ng kani-kanilang kasal, o kaya ay sa oras ng paghihiwalay pa lamang ng kanilang asawa, ang kaparusahan sa taong gumawa ng krimeng ito ay ang batuhin sila hanggang sa mamatay. Ang pagsuri kung paano igawad ang Pangunahing Kaparusahan ay batay sa pagsasakatuparan ng mga sumusunod na patakaran:

1. Ang Pag-amin (Confession):

Ang ibig sabihin nito ay ang pag-amin ng hayagan ng dalawa, ang lalaki at babae, na ginawa nila ang krimeng ito sa harap ng Hukumang Tagahatol o Huwes. Sa ganitong kaso, sa unang sandali ng pagdulog at pag-ulat, ang kaparusahan ay hindi kaagad-agad ipinatutupad. Ang mga nagkasala ay bibigyan ng pagkakataon upang makapag-isip ng maigi sa kanilang pag-amin sa kasalanan. Kung sila ay nagpumilit ng maraming ulit ang Pangunahing Kaparusahang ay ipatutupad.

2. Ang Pagpapatunay ng mga Saksi:

Ibig sabihin nito ay may apat na saksi na walang kinikilingan, mapagkakatiwalaan, matapat at makatarungang tao na nakasaksi sa pakikipagtalik na ginawa ng mga nagkasala. Ang mga saksi ay nararapat na isalaysay ang detalye ng pakikipagtalik. Ang ganitong kaso ay napakadalang mangyari, dahil ginagawa ng normal na tao ang bawal na pakikipagtalik na palihim at sa mga puspos saradong kuwarto o silid at tagong lugar.

Kaya ang makakita sa akto ng pakikiapid ay halos imposible sa normal na pagkakataon. Sa katunayan, sa kasaysayan ng Islam mayroon lamang dalawa o tatlong pangyayaring may nagsaksi sa krimeng bawal na pakikipagtalik. Ang mga taong nagkasala ng kalaswaan ay hayagang tinanggap ang krimeng pakikiapid sa dahilang nababagabag sila ng kanilang konsiyensya at sila ay mayroong matatag na paniniwala at takot sa Allah (Diyos na Makapangyarihan).

Hinahangad nilang maparusahan dito sa mundo para mapangalagaan sila sa Kabilang Buhay. Datapwa’t kung ang pagtatalik ay hindi naganap, katulad halimbawa kung halik o lambingan lang ang nangyari, at ang aktual na pakikipag-ugnayan (intercourse) ay hindi nangyari, ang Pangulong Kaparasuhan ay hindi ipapatupad.

Sa kabilang dako, ang Islam ay nagpasiyang magpataw ng pagpaparusa sa mga taong nagbibintang lamang na pakikiapid sa mga ibang tao ngunit hindi nagpapakita ng matibay na patunay o ebidensiya para sa kanilang paratang. Ang nagbibintang na ito ay malalapatan ng parusa ng hagupit ng walumpung hampas para sa kanyang maling bintang. Ang iniulat na ito ay batay sa Banal na Qur’an:

“At yaong mga nagpaparatang sa mga malilinis (birhen) na babae, at hindi makapagtanghal ng apat na saksi, hagupitin sila ng walumpung hampas, at itakwil ang kanilang pagsaksi ng lubusan, katotohanan sila ay mga Fasiqun (mga sinungaling, palasuway at mapanghimagsik sa Allah).”
Qur’an 24:4

Karagdagan dito, ang Islam ay nagbabawal sa mga paninirang puri sapagkat ito ay paglabag sa karangalan ng mga Muslim sa pamayanan. Ito ay batay sa talata ng Banal na Qur’an:

“O kayong mga sumasampalataya! Huwag hayaang ang isang pangkat sa inyong kalalakihan ay mangutya sa ibang pangkat. Maaaring ang huli ay higit na mainam kaysa sa una at huwag din namang hayaan na ang ilan sa inyong kababaihan ay mangutya sa ibang kababaihan, maaaring ang huli ay higit na mainam kaysa sa una. Gayundin naman, huwag ninyong siraan ang bawat isa, at gayundin, huwag ninyong tawagin ang bawat isa sa nakakasakit na mga palayaw. Tunay namang masama na inyong hihiyain ang isang kapatid matapos na siya ay magkaroon ng Pananampalataya. At kung sinoman ang hindi magsisisi, katotohanan sila ang Zalimun (mga gumagawa ng kamalian, kabuktutan at mga buhong atbp.)”“O kayong sumasampalataya! Inyong iwasan ang maraming panghihinala, katiyakan ang ilang panghihinala (sa ilang katayuan) ay maaaring mga kasalanan. At huwag kayong manubok, gayundin huwag kayong magpamalas ng panlalait sa bawat isa sa talikuran. Mayroong bang isa sa inyo ang ibig kumain ng laman ng patay niyang kapatid? Tunay ngang kasusuklaman ninyo ito (kaya’t kamuhian ninyo ang panlalait sa talikuran), datapwa’t inyong pangambahan ang Allah, katotohanan ang Allah ang Tanging Isa na tumatanggap ng pagsisisi, ang Pinakamaawain.”
Qur’an 49:11-12

Ito rin ay batay sa isa pang talata sa Banal na Qur’an:

“At sinuman ang umani ng kamalian o kasalanan, at pagkatapos ay ipinataw ito sa sinumang walang muwang, katotohanang binigyan niya ang kanyang sarili ng pasanin ng kasinungalingan at ng maliwanag na kasalanan.”