Ang Pangangalaga sa Dakilang Relihiyon

Basahin natin ang mga sumusunod na talata sa Banal na Qur’an:

“At makipaglaban kayo para sa landas ng Allah sa kanila na umuusig sa inyo. Datapwa’t huwag kayong lumabag sa hangganan, sapagkat ang Allah ay hindi nagmamahal sa mga nagmamalabis (sa pagsuway).”
Qur’an 2:190

Ipinag-utos ng Allah (Diyos na Makapangyarihan) ang Jihad, ang pakikibaka o pakikipaglaban dahil sa Kanyang Landas na may marangal na gantimpala at ito ay pinaniniwalaan at tinutupad ng mga Muslim. Sa katotohanan, ang Jihad ay itinuturing na isang umbok (sa likod) ng kamelyo, ang pinakamataas at mahalagang bahagi ng kamelyo para sa mga Muslim. Ang pakikipaglaban at pagpupunyagi para sa landas ng Allah (Diyos na Makapangyarihan) ay ibinabantayog ng may pagtatangi ng mga matatapat na mananampalatayang Muslim sa mundong ito. Ito ay itinuturing ng may higit na pitagan kasabay ng may ganap at tamang kaalaman sa pinaka layunin nito. Sa katunayan, ang Jihad ay tinanggap at mahusay na naitatag at sadyang nalalaman na rin ito ng mga ibang pananampalataya at ng ibang bansa noong una pa. Datapwa’t (alam natin) na ang mabuti at masama ay lagi nang nangyayari sa lahat ng pamayanan sa buong mundo at ng buong kasaysayan. Samakatuwid, ang Jihad ay naitakda upang pumigil sa mga malulupit at mapaniil na namumuno. Ito ay ipinahayag at ipinapatupad bilang alituntunin ng buhay.

Ang Jihad ay ipinatutupad din upang pigilin at ituwid ang mga taong sumasamba sa ibang nilikha at mga diyos-diyosan at nagpanukala ng katotohanan sa pagsamba sa nag-iisang Tagapaglikha lamang– Ang Allah (Diyos na Makapangyarihan). Siya ang Allah (Diyos na Makapangyarihan) na walang anak at walang katambal sa Kanyang pagiging Makapangyarihang Diyos. Ipinakikilala rin ang pagsasagawa ng Jihad sa mga tao upang alisin ang lahat ng bagay na labag sa batas na nangyayari at ang Islam ay nagpanukala ng kapayapaan, katarungan, tiwasay at tahimik na pamumuhay – bilang pamamaraan ng buhay. Ang pagpapakilala sa Islam ay hindi para sa mga Arabo o mga Muslim lamang, kundi para sa kapakanan ng mga tao sa buong mundo, sapagkat ang Islam ay walang Heograpiyang (Geography) hangganan. Ang Islam ay mensahe para sa buong sangkatauhan at ito ay may malawak na kautusan para sa kagandahang asal. Ang Islam ay nagtatag ng prinsipiyong pangkatarungan, pagkapantay-pantay (walang kinikilingan), kasarinlan (kalayaan), pang kaunlaran at pagka matapat sa kapwa sa buong mundo.

Sa kabilang dako, ang Jihad ay hindi tumutuligsa at walang pamimilit sa mga tao ng laban sa kanilang kalooban upang tanggapin ang Islam, kundi ito ay isang paraan ng pagpapalaganap sa pagsamba sa Nag-iisang Diyos at sa pagtataguyod ng Batas ng Pagkapantay-pantay at katarungan. Ang pinakamahalagang layunin ng Jihad ay ang magbigay ng mensahe sa mga tao at nasa kanilang mga sarili ang pagpapasiya kung tatanggapin ang Islam bilang pamamaraan ng kanilang buhay. Ang Allah (Diyos na Makapangyarihan) ay nagsabi batay sa Banal na Qur’an:

“Walang sapilitan sa pananampalataya, ang katotohanan ay mangingibabaw laban sa kamalian. Sinoman ang tumalikod (umiwas) sa Taghut (pagsamba sa mga diyos-diyosan, idolo, imahen at ano mang bagay na sinasamba maliban sa Allah) at manalig sa Allah ay nakatangan ng tunay na mapagkakatiwalaang hawakan na hindi masisira. Ang Allah ang Nakakarinig at nakakabatid sa lahat ng bagay.”
Qur’an 2:256

Ang panutong prinsipiyo (directive) na nag-uugnay sa pamahalaan at sa mga tao ay ang kapayapaan. Magkagayon din, ang Allah (Diyos na Makapangyarihan) ay naglahad ng mga alituntunin tungkol sa Jihad sa Islam para sa natatanging layunin. Mayroong pagkakaiba ang katawagan Jihad at digmaan. Ang Jihad, katulad ng paliwanag sa itaas at sa kaalaman sa Islam, ay hindi katulad ng tinatawag na banal na digmaan (Holy War), higit sa lahat ito ay marangal na pakikipaglaban upang pawiin ang di makatarungang gawain at ipagtanggol ang batas laban sa mga kaaway ng Allah (Diyos na Makapangyarihan) at sa mga mapang-api at walang pananampalataya sa Kanya.

Ang Digmaan, sa kabilang dako, ay mga pakikibaka para sa kanilang personal na kapakinabangan at ang pagkamkam ng mga lupain, mga likas na kayamanan at para sa politikal na adhikain. Sa Islam, ibinabantayog at tinatawag ang Jihad sa tatlong kadahilanan:

1) Ang pagtatanggol sa buhay, mga ari-arian at sa pangangalaga sa hangganan ng bansa (national boundaries).

Ang pagkaunawa ay batay sa Salita ng Allah (Diyos na Makapangyarihan) mula sa Banal na Qur’an:

“At makipaglaban kayo para sa landas ng Allah, sa kanila na umuusig sa inyo, datapwat huwag kayong lumabag sa hangganan, sapagkat ang Allah ay hindi nagmamahal sa mga nagmamalabis (sa pagsuway).”
Qur’an 2:190

2) Ang pagtatanggol at pagpapanatili ng mga karapatan ng mga inaapi.

Ang konseptong ito ay batay sa talata ng Banal na Qur’an:

“At ano ba ang humahadlang sa inyo, na kayo ay hindi nakikipaglaban para sa landas ng Allah, at sila na mahihina, ang mga pinakikitunguhan ng mga masasama at inaalipusta sa lipon ng mga kalalakihan, kababaihan at mga bata na ang pagsusumamo ay: Aming Panginoon! Iligtas Ninyo kami sa bayang ito na ang mga tao ay mapang-api, Inyong ipagkaloob sa amin mula sa Inyo ang isang tagapagtanggol, at Inyong ipagkaloob sa amin mula sa Inyo ang isang makakatulong at isang makapangangalaga.”
Qur’an 4:75

3) Ang Pagtatanggol sa Pananampalataya at Relihiyon

Ang tagapagtanggol ay nararapat magkaroon ng malinis na layunin na para lamang sa Allah (Diyos na Makapangyarihan), at dapat maunawaan na ang paglahok sa Jihad ay walang di-makatarungan hangarin o pagpapasiya. Ang mga nagtatanggol ay dapat matanto na ang pagsali nila ay upang ipalaganap at ibantayog ang Salita ng Allah (Diyos na Makapangyarihan). Ang konseptong ito ay batay sa Banal na Qur’an:

“At makipaglaban kayo hanggang mapawi ang Fitna (kawalan ng pananalig at pagsamba sa Allah), hanggang mapawi ang gulo at mawala ang pang-aapi at manumbalik ang pagsamba at ang pananampalataya ng lahat ng tao at sa lahat ng lugar ay maging tanging sa Allah lamang. Datapwa’t kung sila ay titigil, katiyakan na ang Allah ay Siyang Ganap na nakakakita sa kanilang mga ginagawa.”
Qur’an 8:39

Karagdagan dito, kung ang mga kaaway ng Islam ay nagsitigil sa pakikipaglaban at nakipagkasundo sa katahimikan, ang mga Muslim na nakikipaglaban ay dapat ding tumigil. Sa katunayan, magiging labag sa batas ang patuloy na pakikipaglaban ng mga Muslim kung tumigil na ang mga kalaban at nakipagkasundo para sa katiwasayan.

Ang konseptong ito ay batay sa Banal na Qur’an:

“Magkagayon kung sila ay lumayo sa inyo at sila ay hindi na lumaban, at (sa halip ay) naghandog sa inyo (ng tiyak) na kapayapaan, sa pagkakataong ito ang Allah ay hindi nagbukas ng daan para sa inyo (upang makipaglaban) laban sa kanila.”
Qur’an 4:90

Bukod dito, lahat ng uri ng digmaan na ang layunin ay kamkamin at kupkupin ang mga lupain, at maghiganti na ang nagiging bunga ay malaking kapinsalaan, ay hindi pinahihintulutan ng Islam. Kahit na ang Islam ay nagpahintulot ng pakikipaglaban, ito ay sa lehitimong dahilan at ito ay nag-ulat ng mga alituntunin sa pakikipaglaban. Ipinagbabawal ng Islam na pumatay ng kahit sino. Ngunit ito ay nag-uutos na pumatay laban sa mga sundalo at mga tumutuligsa o nanlulupig na mga kalaban. Sa kabila nito, hindi pinapahintulot na pumatay ng mga matatanda, bata, mga babae, mga may sakit at ang mga kawani ng pagamutan at ang mga hermitanyo na nasa mga liblib na pook at sumasamba sa Allah (Diyos na Makapangyarihan) lamang sa kanilang pansariling pamamaraan.

Karagdagan pa dito, hindi pinapahintulutan ng Islam ang pumatay ng mga hayupan (lahat ng uri ng mga hayop) na pag-aari ng mga kalaban. Ipinagbabawal din ng Islam ang manira ng mga bahay ng mga tao, at bawal ding lagyan ng lason ang kanilang pinagkukuhanan ng inumin tulad ng mga ilog, lawa, bukal at mga balon ng mga kalaban. Ipinagbabawal ang pumatay ng mga sugatan na kalaban sa digmaan at bawal din ang tumugis ng mga tumatakbo ng palayong mga kalaban. Ang konseptong ito ay batay sa Banal na Qur’an:

“Datapwa’t inyong hanapin (sa pamamagitan ng inyong kayamanan) na ipinagkaloob sa inyo ng Allah, ang Tahanan ng Kabilang Buhay, at gayun din huwag ninyong kaligtaan ang inyong bahagi na pinahintulutang kasiyahan sa mundong ito. Ngunit magsigawa kayo ng kabutihan, kung paano rin namang naging mabuti ang Allah sa inyo at huwag kayong maghanap (ng pagkakataon) na makapagkalat ng kasamaan sa kalupaan. Katotohanan na ang Allah ay hindi nagmamahal sa mga Mufsidun (mga mapaggawa ng mga kabuktutan, mapang-api, tampalasan at iba pa).”
Qur’an 28:77

Ito ay batay din sa salita ng Propeta ng Allah :

“(Ipagtanggol) Makipaglaban sa landas ng Allah at (ibantayog) ang Kanyang Pangalan laban sa mga taong walang pananampalataya sa Kanya. Makipaglaban datapwa’t huwag sumira sa kasunduan, huwag putulin (ang bahagi ng katawan) ng mga patay na kalaban at huwag pumatay ng sanggol.”
Sahih Muslim

Ang iniulat na ito ay batay rin sa pagpapatupad, direksiyon at mga tagubilin ng unang Khalifa, si Abu Bakr (t), sa kanyang mga pinunong sundalo nang ang mga ito ay maglunsad ng Jihad. Ang sabi niya:

“Pakinggan at tumalima sa mga sampung tagubilin at kautusan. 1) Huwag magtaksil kaninoman (na inyong pinangakuan). 2) Huwag kayong magnakaw sa mga labing-yaman ng digmaan. 3) Huwag magtaksil sa inyong pinagkasunduang kapayapaan ng mga kalaban. 4) Huwag pagputul-putulin ang mga patay (bangkay) ng mga kaaway. 5) Huwag pumatay ng sanggol at mga bata, at mga matatanda (lalaki at babae) at huwag pumatay ng mga kababaihan. 6) Huwag manira at manunog ng mga pananim na punong datiles at mga halamanan at huwag pumutol at manira ng mga punong kahoy na nagbubunga. 7) Huwag pumatay ng mga babaeng tupa at baka o kamelyo maliban sa inyong pangangailangan (sa pagkain). 8) May makikita kayong mga taong nag-iisa sa ilang na lugar (hermitanyo) na sumasamba sa Allah, huwag gambalain o guluhin. 9) Mayroong kayong makikitang mga taong mag-aalok at magbibigay ng mga pagkain, (purihin) at sambitin ang Pangalan ng Allah bago kayo magsikain. 10) At tiyak na may makikita kayong mga taong ahit ang buhok sa bandang tuktok (gitna) na pabilog at iniwang mahaba ang ibang bahagi ng buhok, sila ang mga mandirigma ng mga kalaban, patayin ang mga ito sa Ngalan ng Allah.”

Katulad din ng mga bilanggo ng digmaan (POW- Prisoner of War), sa Islamikong Jihad, sila ay hindi dapat pahirapan, hamakin o ikulong sa masikip na kulungan at huwag pagputul-putulin ang kanilang mga patay (bangkay). Ito ay batay sa Banal na Qur’an:

“At sila ay nagkaloob ng pagkain, dahil sa pagmamahal sa Allah, ang mga maralita, ang mga ulila at ang mga bilanggo ng digmaan… na sinasabi: ‘Kami ay nagpakain sa inyo dahil (sa pagmamahal namin) sa Allah, at hindi kami naghihintay ng anumang kabayaran o kapalit o kaya ng inyong pasasalamat.”
Qur’an 76:8-9

Ang Islamikong pamahalaan ay mayroong karapatan na palayain ang mga bihag o bilanggo ng digmaan na may pantubos o kaya kahit na walang anumang katubusan o bilang kapalit ng mga Muslim na bihag o bilanggo ng digmaan. Ito ay batay sa salita ng Banal na Qur’an:

“Samakatuwid kapag inyong makaharap sa labanan (Jihad- pakikibaka sa landas ng Allah) yaong mga walang pananampalataya, tigpasin ang kanilang mga leeg, hanggang sa kalaunan ang karamihan sa kanila ay inyo nang napatay o nasugatan, inyo silang talian ng panggapos na mahigpit (at gawing bihag). Sa gayon, (makaraan nito) naririto ang sandali ng pagpaparaya (palayain sila ng walang tubos) o patubos (ayon sa kapakinabangan sa Islam), hanggang ang hapdi at hilahil ng digmaan ay mapawi. Sa gayon, kayo ay pinag-utusan (ng Allah na ipagpatuloy ang pagsasagawa ng Jihad laban sa mga hindi sumasampalataya hanggang sa sila ay yumakap sa Islam, o kaya ay mapabilang sila sa ilalim ng inyong pangangalaga), datapwa’t kung ninanais lamang ng Allah ay magagawa Niya na magapi sila (na wala kayo), ngunit ninanais Niya kayo at ang mga iba. At yaong mga nasawi dahil sa landas ng Allah ay hindi Niya hahayaang ang kanilang mga gawa ay mawalang saysay.”
Qur’an 47:4

At ang mga taong nagapi, ang mga di-Muslim na naninirahan sa Islamikong bayan, ang kanilang pamilya (kamag-anak), ang kanilang kalagayan at ang kanilang ari-arian ay kailangan ang pangangalaga. Walang sinoman ang may karapatang kumamkam sa kanilang mga kayamanan at mga pag-aari. Walang sinuman ang may karapatan na hamakin o makialam sa kanilang puri at dangal. Walang sinoman ang may karapatan na tuligsain sila para sa paghihiganti ng kahit na sa anong dahilan. Karagdagan pa dito, ang mga hindi-Muslim sa bayang Islamiko ay dapat pakitunguhan ng mabuti, pantay at makatuwiran. Ang mga paniniwala at ang mga gawaing pagsamba ng mga di-Muslim sa pamayanang Islamiko ay dapat igalang. Ang lahat ng ito ay batay sa Banal na Qur’an:

“Sila (Muslim na namumuno) kung Aming pagkakalooban ng kapangyarihan sa kalupaan, (sila) ay nag-uutos ng Salah (palagiang pagdarasal ng mataimtim), at pamamahagi ng Zakah (takdang tulong pangkawanggawa) at sila ay nag-aanyaya sa Al-Maruf (sa Kaisahan ng Allah at lahat ng ipinag-uutos ng Islam) at nagbabawal sa Al-Munkar (paganismo, kawalan ng pananampalataya at lahat ng ipinagbabawal ng Islam), at sa Allah nakasalalay ang kahihinatnan ng lahat ng pangyayari (ng mga nilalang).”
Qur’an 22:41

Sa kabilang dako, ang mga di-Muslim na nakatira sa Islamikong pamayanan ay kinakailangan magbayad ng mababang halaga ng buwis na tinatawag na Jizyah. Ito ang pangunahing buwis na sinisingil sa mga mamamayan na hindi tumatangkilik sa Islam at nais manatili sa kanilang dating relihiyon o pananampalataya na naninirahan sa Islamikong bayan. Ang pangunahing buwis ay may tatlong uri; ito ay ang mga sumusunod:

Ang buwis mula sa mga mayayaman na ang kabuuang halaga ay katumbas ng apatnaput-walong (48) Dirhams(Ang Dirham ay isang lumang pilak na barya o sinsilyo na may bigat na 2.28 gramo. Ang pangalang Dirham ay ginagamit pa ng mga ibang bayan ng mga Islamiko o Arabong pamayanan datapwa’t hindi na kasing halaga ng lumang barya.) sa loob ng isang taon.

Ang buwis mula sa mga mamamayan na may kainamang pamumuhay (middle class) na ang kabuuang halaga ay katumbas ng dalawamput-apat (24) na Dirhams sa loob ng isang taon.

Ang buwis na mula sa mga manggagawa, katulad ng mga karpintero, tubero, at iba pa na nagkakahalaga ng labing-dalawang (12) Dirhams sa loob ng isang taon.

Ang pangunahing buwis ay sinisingil sa mga di-Muslim na naninirahan sa Islamikong pamayanan bilang pagbabayad sa kanilang proteksyon sa buhay at karagdagang pangangalaga sa kanilang mga ari-arian at mga kayamanan. Karagdagan pa rito, ang mga di-Muslim ay magtatamasa ng pantay na karapatang tinatamasa ng mga Muslim. Ito ay ipinahayag ng isang Muslim na pinuno na si Heneral Khalid bin Walid (t) noong siya ay lumagda ng kasunduan sa mga di-Muslim na naninirahan sa Islamikong pamahalaan at sinabi niya na:

“Ibinibigay ko ang aking matapat na pakikipagkasunduan para sa inyong pangangalaga dahil sa pagbabayad ninyo ng buwis. Kung walang pangangalaga ay hindi kayo nararapat magbayad.”
Balathuree, Ang Kasaysayan

Samantala, ang buwis ay hindi pinaiiral sa lahat ng di-Muslim na naninirahan sa Islamikong pamayanan. Katulad ng mga mahihirap, mga bata, babae, mga bulag, hermitanyo at sa mga may kapansanan (o mga pinanganak na inutil). Manapa’y ang Islamikong pamahalaan ay nagbibigay ng buong pagkalinga sa mga taong nabanggit at binibigyan pa sila ng kaukulang panggastos. Sa katotohanan, ang panatang kasunduan na nilagdaan ni Heneral Khalid bin Waleed (t) sa mga di-Muslim na naninirahan sa bayan na tinatawag na Heerah sa Iraq na nasa ilalim ng pamamahala ng Muslim ay nagsasaad ng ganito:

“Sinoman ang kabilang sa mga matatanda, mga naging inutil na manggagawa, ipinanganak na lumpo o ang mga naluging dating mayayaman, lahat ng mga ito ay nararapat na bigyan ng kawanggawa mula sa kanilang mga relihiyosong kasamahan, lahat ng mga nabanggit na tao ay hindi dapat magbayad ng buwis. Karagdagan dito, ang mga nasabing tao at ang kani-kanilang pamilya ay dapat bigyan ng kaukulang panggastos mula sa ‘Kaban ng Bayan.”
Abu Yousuf, Al-Kharaj, p. 144

Bukod dito, ang ikalawang Khalifa, si Omar bin Al-Khattab (t) ay napadaan minsan (at nakita niya) ang isang matandang Hudyo na namamalimos sa mga tao. Si Omar (t) ay nagtanong sa taong ito at napag-alaman niya na ang Hudyong ito ay di-Muslim na naninirahan sa (Islamikong) kanilang bayan. At sinabi ni Omar (t); “Hindi kami naging makatarungan sa iyo! Noong bata ka at may kakayahan, nagbabayad ka nang buwis at ngayong tumanda ka na ay pinabayaan ka na namin!” Dinala ni Omar (t) ang matandang Hudyo sa kanilang pamamahay at binigyan siya ng mga pagkain at damit na mayroon siya. Pagkatapos noon, tinawag niya ang Ingat Yaman at inutusan nito at nagsabing; ‘Subaybayan at sikapin mong malaman ang kalagayan ng mga katulad niyang mga tao. Pagkalooban sila ng sapat na tulong para sa kanila at ng kanilang buong mag-anak mula sa ‘Kaban ng Bayan’.

Ang Allah (Diyos na Makapangyarihan) ay nagsabi sa Banal na Qur’an:

“Ang As-Sadaqat (ito ay nangangahulugan ng katungkulang kawanggawa, gaya ng Zakah) ay para lamang sa mga Fuqara (mga mahihirap na hindi nagpapalimos) at sa mga Masakin (sa mga mahihirap na nagpapalimos)...”