Ang Panimula

Lahat ng papuri ay para lamang sa Allah, ang Panginoon ng Dakilang Karangalan at Luwalhati, Na Siyang nagbigay patnubay sa atin bilang Muslim at pinili tayo upang maging tagasunod ng Huling Propeta, Muhammad (Sallalahu Alayhi wa Sallam, sa Arabic (r). Ito ay isang kataga na ang ibig sabihin ay: Naway ipagkaloob ng Allah ang pagpapala at kapayapaan kay Propeta Muhammad. Ito ay isang panalangin na inuusal tuwing babanggitin ang kanyang pangalan bilang paggalang, at pagbibigay lugod.)

Sa mga minamahal kong Mambabasa,

Ang paggugol ng panahon at lakas para sa pagpapaunlad at pagpapalaganap ng Islam (dawah)(Islam - isang kataga mula sa wikang Arabik at hango sa salitang salam na ang kahulugan ay kapayapaan. Ang kapayapaan ang siyang buod na layunin ng Allah (Diyos na Makapangyarihan) para sa sangkatauhan sa pamamagitan ng pagsuko at pagtalima sa Kanyang Kalooban. Katotohanan, ang tunay na kapayapaan ay matatagpuan at makakamtan lamang ng isang tao sa pamamagitan ng kanyang tapat na hangaring isuko ang kanyang sarili sa Kalooban ng kanyang Panginoon at Nag-iisang Diyos - ang Allah, Subhana wa Ta’Ala.) at gayundin naman ang pagbibigay paliwanag tungkol sa mga karapatan ng tao ayon sa paglalahad ng Relihiyong Islam batay sa Qur’an at Sunnah ng Propeta ng Allah ay tunay na napakahalaga sapagkat ito ay nagsisilbing liwanag upang mahawi ang lambong ng di pagkakaunawa tungkol sa paksang ito.

Ang aklat na ito na pinamagatang “Misconception of Human Rights in Islam” ni Ginoong Abdul Rahman Al Sheha ay isang dakilang tagumpay. Isinalin naman sa wikang Pilipino (tagalog) na may pamagat na, “Ang Mga Karapatan ng Tao sa Islam”. Tinalakay ng may akda ang mga mahahalagang paksa batay sa kautusan at aral ng Banal na Qur’an(Qur’an - ito ang Huling Banal na Kasulatan o Kapahayagan ng Allah (Diyos na Makapangyarihan) na ipinahayag at ipinagkatiwala sa Kanyang Huling Sugo na si Muhammad mula sa angkan ni Ismael (Diyos na Makapangyarihan), ang isa sa anak ni Propeta Abraham (Diyos na Makapangyarihan). Si Propeta Abraham (Diyos na Makapangyarihan) ay kinikilala ng mga Hudyo, Kristiyano at maging ang mga Muslim bilang “Ama ng Pananampalataya”.Siya ang nagtatag ng pangunahing Prinsipiyo ng Paniniwala at Pagsamba sa Nag-iisang Diyos na Tagapaglikha bilang Unang Kautusan para sa Sangkatauhan.) at Sunnah(Sunnah ay isang kataga na hango sa wikang arabik na tumutukoy sa lahat ng tradisyon, gawain, kaugalian, mga aral ng Huling Sugo ng Allah, na si Muhammad sa pagsasakatuparan ng mga kautusang ipinahayag ng Allah (Diyos na Makapangyarihan) sa kanya sa pamamagitan ng Huling Kapahayagan o Kasulatan - ang Qur’an.) ng Propeta Muhammad .

Ang aklat na ito ay binubuo ng mga karapatan ng tao sa lahat ng aspeto ng buhay at walang alinlangan na ang ganitong patakaran ay lubhang napakahalaga para sa ating ganap na pang-unawa sa Relihiyong Islam bilang isang pamamaraan ng buhay. Sa pamamagitan ng tunay na pang-unawa sa mga karapatan ng tao at ang pangangailangan ng bawat isa, ito ay magdudulot ng higit na paggalang sa bawat mamamayan maging siya man ay Muslim o di-Muslim. Ang aklat na ito ay makakatulong sa pamayanang Muslim. Nawa’y pagpalain ng Allah (Diyos na Makapangyarihan) ang pagpupunyagi ng ating kapatid na si Abdul Rahman Al-Sheha at ipagkaloob sa kanya ang masaganang gantimpala sa buhay dito at sa kabilang buhay.

Marami ng aklat ang naisulat at nailathala ng ating kapatid na naging kapaki-pakinabang sa mga mambabasa. Nais kong batiin sa pagkakataong ito ang ating kapatid at hinihingi ko sa mga mambabasa na ipalaganap ang aklat na ito. Ang ating kapatid na si Abdul Rahman Al Sheha ay masipag at matiyaga. Nawa’y bigyan siya ng lakas ng Allah (Diyos na Makapangyarihan) upang maipagpatuloy niya ang dakilang gawain ng pagpapalaganap ng mensahe ng Relihiyong Islam.

Nawa’y patnubayan tayo ng Allah (Diyos na Makapangyarihan) sa tuwid na landas at iligtas tayo mula sa lahat ng kasamaan at kasalanan.

Shouiab Ahmed

General Secretary

Markaz Jamiat Ahl-e-Hadith United Kingdom

3 Hulyo, 2001

Sa Ngalan ng Allah Ang Maawain, Ang Mapagpala

Ang Pagpapakilala

Lahat ng papuri ay nauukol lamang sa Allah (Diyos na Makapangyarihan), ang Panginoon ng lahat ng nilikha. Nawa’y ang kapayapaan at pagpapala ay makamtan ng Kanyang Huling Sugo, na si Muhammad , ng kanyang pamilya at mga kasamahan.

Bawat lipunan ay dapat na may itinakdang alituntunin at prinsipiyo na magbibigay pangangalaga kalakip ng mga karapatan at kapanatagang inihahandog sa mga mamamayang nasa ilalim ng kapamahalaan nito. At sa gayon, bawat mamamayan ay makadarama ng diwa ng pagkakaisa, pagmamahal, katahimikan at kapayapaan. Ang ganitong kapaligiran at kalakaran ay tunay na isang sangkap ng magandang buhay at isinasaalang-alang bilang isang pangunahing pangangailangan ng bawat mamamayan upang kanilang matagumpay na gampanan ang bawat tungkulin at pananagutan sa maayos na pamamaraan at mamuhay sa gitna ng katiwasayan, kasarinlan at kaligayahan.

Sa kasalukuyan, mayroong tatlong kinikilalang paraan o kalagayang panlipunan sa buong mundo. Ang una ay lumalagpas sa hangganan ng karapatan ng mamamayan sa Lipunan. Ito ay nagbibigay ng ganap na kalayaan sa tao sa anumang kanyang naisin. Walang alinlangan, ito ay siyang daan upang maging magulo ang panlipunang kalagayan. Ang pagbibigay ng walang hanggang limitasyon at kalayaan sa tao ay nagbubunga ng masama sa kabuuan ng lipunan. Ang mga krimen ay lumalaganap at ang pagiging makamundo o materyoso ng tao ay sadyang nakakagulat. Ang ganitong kalagayan ay matatagpuan sa isang Kapitalistang Lipunan.

Ang ikalawa naman ay ganap na taliwas sa unang nabanggit. Higit na pinagtutuunan ng pansin at higit na pinahahalagahan ang karapatan ng pamahalaan kaysa sa karapatan ng mamamayan. Ang tanging karapatan na makapagbibigay kabutihan sa pamahalaan ang siya lamang ipinagkakaloob sa mamamayan. Ang ganitong lipunan ay inaalisan ang lahat ng karapatan ng mamamayan na hindi umuugnay sa kabutihan ng pamahalaan. Ang ganitong kalakaran ay matatagpuan sa Lipunang Komunismo.

Ang ikatlo ay hindi ganap na nakatuon ng pansin sa karapatan ng lipunan o pamahalaan at hindi rin naman nagbibigay diin sa karapatan ng bawat mamamayan. Samakatuwid, bawat kaukulang karapatan ay ipinagkakaloob bilang bahagi ng isang likas na pamumuhay ng tao. At sa bawat karapatan ay mayroong kaukulang tungkulin at kaakibat na pananagutan na dapat gampanan ng bawat mamamayan at maging ang pamahalaan. Sa gayon, ang bawat mamamayan ng lipunan ay nagtatamasa ng sariling karapatan at ang pamahalaan o lipunan ay mayroon ding sariling karapatan. Sa madaling salita, ang pangkalahatang kabutihan ng mamamayan (general welfare) ay binibigyan ng higit na pansin kaysa sa kabutihan ng isang tao lamang sa mga pagkakataon ng pangangailangan. Ito ay matatagpuan sa Islamikong Lipunan.

Sa aklat na ito, aming tatalakayin, sa malawak na paglalarawan, ang mga karapatan ng tao sa pananaw ng Relihiyong Islam. Ang mga karapatang ito ay batay sa Banal na Qur’an, ang Aklat na ipinahayag ng Allah (Diyos na Makapangyarihan) at sa Sunnah ng Sugo ng Allah . Ito ang dalawang pangunahing pinagkukuhanan ng Islamikong Pamumuhay at Batas. Naglalayon ang Banal na Qur’an at ang Sunnah ng Sugo ng Allah na mag-alay ng isang huwarang mamamayan sa pakikipag-ugnayan nito sa kapwa tao sa sarili niyang lipunan at sa buong mundo.

Kami ay taos pusong naniniwala na ang pagpapatupad ng panlipunang alituntunin at prinsipiyo ng ikatlong uri ng lipunan (ang Islamikong Lipunan) ay ganap na makapagbibigay ng kapanatagan at katiwasayan sa buong sangkatauhan. Ang makabuluhang pagpapatupad at tapat na pagpapairal ng mga Prinsipiyo ng Islam ay makakatulong sa lipunan upang makamit nito ang pinakamataas na antas ng kapayapaan sa kapaligiran, sa kaisipan at maging sa kalooban ng tao. Ang mga panlipunang karapatan at prinsipiyo ay hindi mga bunga ng mga naunang karanasan, ideolohikal na panlipunan, pansamantalang pangangailangan o di kaya ay mga pampolitikang adhikain at layunin.

Ang mahalagang dahilan ng aming matibay na paniniwala sa mga panlipunang karapatan at prinsipiyo ay batay sa katotohanan na ang mga ito ay nagmula at itinakda ng Tagapaglikha ng tao na Siyang Tanging Ganap na nakaaalam kung ano ang nakabubuti sa Kanyang mga nilikha sa lahat ng panahon. Ang Makapangyarihan Allah ay ganap na nakababatid kung ano ang makasasama o makabubuti sa tao, kung ano ang ikaliligaya, kung ano ang ikalulungkot, kung ano ang ikatatagumpay nito at kung ano ang maaaring maging sanhi ng kapighatian o kapahamakan nito. Nalalaman ng Allah (Diyos na Makapangyarihan) na Siyang Tagapaglikha kung ano ang nararapat at pangangailangan ng buong sangkatauhan. Mayroon pa kayang batas na higit pang mabuti kaysa sa Batas ng Tagapaglikha?

Ang Banal na Qur’an na ipinahayag kay Propeta Muhammad , na mahigit na labing apat na dekada na ang nakararaan, ay siyang unang pinagmumulan ng Batas ng Islam at ito ay naglalaman ng mga dakilang aral tungkol sa mga pangunahing batas panlipunan. Karagdagan pa nito, ang Sunnah ng Sugo ng Allah , na siyang ikalawang pinagmumulan ng Batas ng Islam, ay naglalaman ng mga salita, gawain at mga pangyayaring sinang-ayunan ng Propeta Muhammad at kalakip ng paglalarawan nito para sa pagpapatupad at pagpapairal ng mga alituntunin na iniuutos mula sa kapahayagan ng Banal na Qur’an.

Ang mga alituntunin at prinsipiyong ito ay itinatag sa pinakamagandang ayos at pamamaraan. Ang tao bilang natatanging nilikha na may higit na pagpapala sa lahat ng nilikha ay binigyan ng karangalan at kinilala ng Banal na Qur’an at ng Sunnah ng Sugo ng Allah at maging ang lahat ng karapatang likas na nauukol sa kanya. Sa kabilang dako, ang dalawang pinagmumulan ng Islamikong Batas (Qur’an at Sunnah) ay hindi naman isinasantabi o pinababayaan ang pangangailangan at karapatan ng lipunan at pangkalahatang kabutihan (general public interest).

Katunayan nito, ang Makapangyarihang Allah ay nagsabi:

“At tunay nga na Aming pinarangalan ang mga anak ni Adan; pinagkalooban ng masasakyan sa mga lupain at karagatan. At Amin silang ginawaran ng kabuhayan na mabuti at wagas; at Amin silang pinagpala ng higit sa karamihan ng Aming mga nilikha na may tanda ng pagtatangi.”
Qur’an 17:70

Ang pagpaparangal sa sangkatauhan ay binubuo ng mga karapatang itinakda na nagbibigay daan ng pagsulong ng buhay, kalayaan at kabihasnan. Kaalinsabay nito, ang tao ay pinarangalan at ginawang nakatataas ng higit kaninuman dito sa mundo. At upang maisakatuparan ang tungkulin ng tao bilang siyang nakatataas ng higit kaninuman, nararapat na mayroong ibat-ibang uri ng pananagutan batay sa antas ng kakayahan upang maisakatuparan ang bawat itinakdang tungkulin. Magkagayon, ang lipunan ay magkakaroon ng higit na maayos at magandang haligi at gawain. Ang konseptong ito ay matatagpuan batay sa kapahayagan ng Banal na Qur’an:

“Ginawa Niya kayong maging Khalifa (Tagapamahala ng Daigdig); sa bawat henerasyon, mga tagapagmana ng mundo. Kanyang itinaas ang inyong antas, ang ilan sa inyo ay nakahihigit kaysa sa iba upang kayo ay subukan sa mga handog na ipinagkaloob sa inyo. Sapagkat ang inyong Panginoon ay maagap sa pagpaparusa. Subalit, siya ay tunay na laging mapagpatawad, ang (ganap na) Maawain.”
Qur’an 6:165

Ayon sa Relihiyong Islam, ang mga karapatan ng tao ay isang pagpapahiwatig ng patuloy na pamamaraan ng buhay na walang katapusan maging pagkaraan ng kamatayan ng tao. Kabilang sa mga karapatan ng tao sa Islam ay nauukol sa panahon ng kanyang kamatayan. Siya ay dapat paliguan ng maayos, bihisan ng malinis at maayos na puting damit (shroud )(Ang damit (shroud) ng isang namatay sa relihiyon Islam ay isang kapirasong puting tela na ibinabalot sa namatay. Ang namatay ay inililibing sa ganitong pananamit lamang. Walang kabaong, mga bulaklak o kandila at walang nitso.)dapat isagawa ang pagdarasal at ilibing sa marangal na kaayusan bilang wakas ng kanyang buhay dito sa mundo. Ipinagbabawal ng Islam ang pang-aalipusta sa bangkay ng namatay; tulad ng pagputol ng tainga, dila, ilong, alisin ang mata, bunutin ang ngipin, o putulin ang mga paa at iba pa. Ito ay batay sa isang Hadith ng Sugo ng Allah :

“Ang pagbakli ng buto ng isang patay ay isang kasalanang katumbas (ng kasalanan) ng pagbakli ng buto ng isang taong buhay.”
Hadith Ibn Majah bilang 1616, Hadith Ahmad bilang 24362, Hadith Abu Dawud 9:18

Pagkaraang mailibing ang isang namatay ay iginagalang pa rin sa pamamagitan ng kanyang mga karapatan: ang kanyang libingan ay hindi dapat hukayin ng walang mahalagang dahilan, sinoman ay di pinahihintulutang maupo sa itaas ng libingan ng namatay at sinoman ay pinagbabawalang tapakan o lumakad sa libingan nito. Ito ay batay sa sinabi ng Sugo ng Allah :

“Higit na mabuti sa isang tao na umupo sa nagliliyab na uling na nasusunog ang kanyang damit, (at) pagkaraan ay makadarama ng init sa kanyang balat kaysa umupo sa libingan (ng patay).”
Hadith Muslim bilang 1024

Ang isang namatay na Muslim ay may karapatan ding pangalagaan ang kanyang dangal laban sa anumang masamang balita o ala-ala. Ito ay batay sa isang Hadith ng Sugo ng Allah :

“Banggitin lamang ang mga mabubuting gawa ng inyong namatay at iwasan ang pagbanggit ng mga nakasisirang puri (na nalalaman ninyo noong siya ay buhay pa).”
Hadith Abu Dawud 9:35

Sa katunayan, marami pang karapatan ang mga namatay na Muslim katulad ng mga sumusunod; ang namatay ay kailangan laging ipagdasal at dapat magbigay ng kawanggawa alang-alang sa kanya. Ang namatay na Muslim ay kinakailangan isaalang-alang ang pagpapatupad ng kanyang huling habilin (Last Will), at kung maaari ay tuparin ang kanyang mga kahilingan noong siya ay nabubuhay pa (na hindi natupad dahil sa biglaang kamatayan). Ito ay batay sa isang Hadith ng Propeta ng Allah .

“Isang tao ang nagtanong sa Propeta ng Allah ; ‘O Propeta ng Allah! Ang mga magulang ko ay patay na. Mayroon ba akong magagawang kabutihan para sa ikaliligaya at ikabubuti nila kahit pagkatapos ng kanilang kamatayan? Ang Propeta ng Allah ay dagling sumagot?’ “Oo, ipagdasal mo ang kaluluwa nila. Igalang ang kanilang mga kaibigan at maging mapagbigay sa kanila. Pagsikapang madalaw lagi at magpakita ng magandang pakikisama sa kanilang mga kamag-anak at tuparin ang pangako nila sa iba (ang mga naipangako nila noong nabubuhay pa sila)”.

Mapapansin natin na may mga ibang pandaigdigang samahan katulad ng mga Kapisanang Makatao (Humanitarian Organizations) ngayon na may pinanghahawakang prinsipiyo na katulad ng aming inilahad sa itaas. Subalit, unang naitatag ng Islam ang mga karapatang pantao mula pa noong mahigit na labing apat na siglo na ang nakakaraan. Sa katunayan ang mga inilahad na karapatan para sa tao ng mga pandaigdigang samahan sa ngayon ay mapupuna natin na ang mga ito ay may pagkukulang sa mga katangian. Ang mga nasabing karapatan ay pinagtibay hindi dahil sa kapakanan ng tao, kundi dahil sa kapakanan mismo ng samahan nila. Makikita nating maliwanag na ang mga karapatan para sa tao ng samahang ito sa buong mundo ay karaniwang ipinagtatanggol ang karapatan ng mga naaabuso, ngunit ang mahihirap ay hindi tinutulungan at ang mga mahihina ay kinakalimutan.

Ang mga ibang makataong samahan ay hindi tumutulong sa mga taong naaapi dahil hindi makapagdulot sa kanilang kapakanan o kapakinabangan. Kung tutuusin ang mga samahang ito ay makakatulong kung nanaisin lamang nila, subalit, sa dahilang wala silang nakukuhang pakinabang sa pagtulong nila sa mga dukha, hindi sila nagtatangkang tumulong sa mga ito. Ang mga ganitong samahan, sa kasong nabanggit, ay may salawikain na ganito: ‘Huwag manghimasok sa kaguluhang panloob ng ibang bansa!’

Ang Islam, sa kabilang dako, ay nanawagan para sa proteksiyon, pagtatanggol at pagtulong para sa mga naaapi sa pamamagitan ng pagsasakripisyo ng sariling hangarin. Ang Islam ay nanghihikayat na pawiin ang paghihirap ng mga naaapi kung kaya rin lamang at walang pinsalang maidudulot sa mga tumutulong at nararapat na walang pangyayaring sumasalungat sa mga alituntunin at regulasyon ng pamahalaan. Ang Makapangyarihang Allah ay nagsabi sa Banal na Qur’an na naisalin ang kahulugan ng ganito:

“At ano ba ang humahadlang sa inyo, na kayo ay hindi nakikipaglaban para sa landas ng Allah, at sila na mahihina, ang mga pinakikitunguhan ng mga masasama at inaalipusta sa lipon ng mga kalalakihan, kababaihan at mga bata na ang pagsusumamo ay: Aming Panginoon! Iligtas Ninyo kami sa bayang ito na ang mga tao ay mapang-api, Inyong ipagkaloob sa amin mula sa Inyo ang isang tagapagtanggol, at Inyong ipagkaloob sa amin mula sa Inyo ang isang makakatulong at isang makapangangalaga.”
Qur’an 4:75

Magandang bigyang pansin dito na ang pagsasakatuparan ng karapatan para sa tao sa ilalim ng Islamikong bansa ay malulutas lamang sa pagsasagawa ng aral at Prinsipiyo ng Islam. Ang mga ibang bansang Muslim ay tumatalikod (ng ganap) sa mga aral ng Islam at ang mga iba naman ay kinukuha lamang ang ibang aral na nakapagdudulot sa kanila ng personal na kapakinabangan. At mayroon namang ibang Islamikong lugar na nagkukunwaring isinasagawa ang mga Islamikong alituntunin at prinsipiyo, ngunit sa katotohanan sinisira nila ang Islam sa kaloob-looban nito. Kaya, aming ipinapayo sa mga taong may layunin na mag-aral tungkol sa Islam, na dapat pag-aralan ang buong katotohanan, ang batas ng Islam. Hindi dapat mahikayat sa mga ginagawa ng ibang tao o pangkat ng tao o ng isang bansa o ng isang pamahalaan.

Katulad ng naunang nabanggit, ang pagsasakatuparan ng Islamikong batas at prinsipiyo ay nagkakaiba-iba, batay na rin sa layunin at pasiya. Mayroong mabuting alituntunin at batas ngunit mapapansin natin na may pagkukulang at pagkakamali sa pagsasagawa o sa pagpapatupad nito. Kailangang suriin nating mabuti ang paggamit o pagsasagawa mismo at hindi ang batas. Tulad halimbawa, kung may taong nagsasabi na siya ay isang mabuting Muslim, ngunit kung tingnan natin ang kanyang pag-uugali at kilos, ay taliwas naman at kakaiba sa tunay na asal na inilalarawan ng Islam – sa pagkakataong ito, dapat nating tanungin ang mga tao ng ganito.

Kung may makita kayong mga taong nandaraya, at hindi tumutupad sa pinagkasunduan, huwag nating husgahan ang Relihiyong Islam, ngunit higit sa lahat ay tanungin at husgahan natin ang taong gumagawa ng kamalian. Kailangang isaalang-alang natin ang naidudulot nitong tunay na kabutihan. Katulad, halimbawa na kung kailangan ng isang tao ang tinapay dapat siyang pumunta at bumili sa panaderya o kaya sa tindahan na nagtitinda ng tinapay. Mayroong pangkalahatang pahayag ang Banal na Qur’an:

“At kung kayo ang susunod sa karamihan sa kanila na nasa kalupaan, kayo ay kanilang ililigaw nang malayo sa landas ng Allah. Wala silang sinusunod maliban sa mga haka-haka lamang at wala silang ginagawa maliban sa kasinu-ngalingan.”
Qur’an 6:116

Nakakalungkot banggitin na marami tayong nakikitang Muslim (sa kasalukuyan) sa buong mundo, na hindi tunay na huwaran ng Islam at maraming Muslim ang gumagawa ng kasamaan at marami ring pagkukulang sa pagsasakatuparan ng Islam. Masakit isipin ang ganitong kasamaang palad ngunit ito ay katotohanan. Ang dahilan ng aming paglalahad ng katotohanan sa pambungad na ito ay upang bigyan ng paunang babala ang mga taong may hangaring yumakap at tumanggap sa Islam bilang kanilang Pamamaraan ng Buhay. Hindi sila dapat maimpluwensiya upang mahikayat o madaya ng mga maling pag-uugali at pag-aasal ng ibang Muslim. Iminumungkahi namin sa mga taong interesado at nais yumakap sa Islam na sila ay hindi dapat mawalan ng lakas ng loob upang tahakin ang magandang landas ng buhay tungo sa kapayapaan at kaligtasan sa kabilang buhay.

Samantalang, hinihikayat at tuwina ay pinaaalalahanan ang mga Muslim na panatilihin ang pinakamabuting pagsasagawa ng kanilang pananampalataya sa lahat ng aspeto ng buhay. Sa kabilang dako, tinatawagan namin ng pansin ang mga hindi pa Muslim na pag-aralang mabuti, unawain ang mga prinsipiyo at subukang mamuhay sa pamantayan nito at matatamo ninyo ang kaibahan ng tunay na kapayapaan. Katulad ng isang Amerikanong bagong Muslim, na nakarating sa isang bansang Islamiko, at nagulat siya sa nakapanlulumong kalagayan ng Islamikong Lipunan. Napansin niya na napakalayo nila sa maganda at ulirang Islamikong aral, ang mga prinsipiyo at alituntunin. Nasabi niya:

“Pinasasalamatan ko ang Makapangyarihang Allah, sa pagbibigay ng patnubay sa akin sa pagyakap ko ng Islam bilang panuntunan ng buhay bago ako nakarating sa bansang ito. Kung sakali’t dumating ako sa bayang ito na hindi pa Muslim, hindi ko iisipin na ako ay yayakap sa Islam.”

Naipahayag ng bagong Muslim ang mga ito sa dahilang nakita niya ang pagpapabaya at pang-aabuso sa tungkulin ng ibang mga Muslim. Tunay na nakakalungkot ang ganitong kalagayan.

By: Dr.Abdul-Rahman al-Sheha

Isinalin sa Wikang Pilipino nina:

Ahmad Jibreel Salas

Jihad Jamal Joves