Ang Hosbah- Ang Pananagutan; Ang Pamamaraan ng Pagtataguyod at Pagpapatupad ng Relihiyong Islam

Ang Hosbah, isang kusang-loob na pamamaraan upang itaguyod at ipatupad ang pananagutan sa ilalim ng Relihiyong Islam. Ang pangunahing layunin ng Hosbah ay upang magtatag ng shariah (Batas ng Islam) sa Islamikong lipunan. Ang Hosbah ay ginagamit ang lahat ng pamamaraan na maghikayat na paggawa ng kabutihan at magbawal naman ng mga kasamaan upang mabigyang kaukulang pagsunod sa Shariah (Batas ng Islam).

Ang shariah ang siyang nagbibigay disiplina sa mga taong hayagang gumagawa ng mga nakahihiyang bagay, mga imoralidad na gawain at iba pa. Karagdagan pa nito, ang mga taong naglilingkod sa ilalim ng Hosbah ay kanilang minamanmanan ang mga ipinagbabawal na gawain katulad ng pandaraya, pamimili at pagtitinda ng mga bagay na masama. Binigyang pansin din ng Hosbah ang pagkasira ng mga pampublikong gamit (mga daan, patubigan, pagamutan, tulay, paaralan) upang muli nitong ipagawa at ayusin para sa kapakinabangan ng lipunan at maiwasan ang anumang kapahamakan na maaaring kaharapin ng tao. Ang lahat ng kusang pagtataguyod ng Hosbah ay batay sa Kautusan ng Allah (Diyos na Makapangyarihan) mula sa Banal na Qur’an:

“Kayo ang pinakamabuting tao na lumitaw sa Sangkatauhan, naghihikayat kung ano ang matuwid, (at) nagbabawal kung ano ang masama, at nananampalataya (sumasamba lamang) sa Allah ...”
Qur’an 3:110

Ang Hosbah ay nagpapahiwatig din ng takot sa parusang matatamo mula sa Allah (Diyos na Makapangyarihan). Ito ay batay rin sa babalang ipinahayag ng Banal na Qur’an:

“Ang mga sumpa ay ipinahayag sa mga tao mula sa mga Angkan ng Israel na nagtakwil ng Pananampalataya, sa pamamagitan ng dila ni David at ni Hesus, ang anak ni Maria, sapagkat sila ay sumuway (sa kautusan) at patuloy sa pagmamalabis. Sila ay hindi nagbawal sa di makatarungang gawain ng iba sa kanila. Tunay na masama ang kanilang mga gawa.”
Qur’an 5:78-79

Bawat tao sa ilalim ng Islamikong Lipunan ay dapat na magkaroon ng kaukulang tungkuling dapat gampanan sa Hosbah, nag-aanyaya sa paggawa ng mga mabubuting gawain at nagbabawal naman kung ano ang ikasasama ng tao. Ang tungkuling nakaatang sa balikat ng sinuman ay batay naman sa kakayahan at katayuan nito. Ayon sa Hadith ng Sugo ng Allah :

“Sinoman ang nakakita ng di kaaya-ayang gawain (immoral) na isinasagawa (sa Islamikong Lipunan) ay nararapat na baguhin ito (ituwid ito) sa pamamagitan ng sarili niyang kamay. Kung ito ay hindi niya magawa, hayaang gawin niya ito sa pamamagitan ng kanyang dila (pagpayuhan ang taong gumawa nito sa paraang mahinusay). (At sa huli) kung hindi niya ito magawa, hayaang kamuhian niya ang gawaing ito mula sa kanyang puso. Ito ang pinakamababang antas ng Iman (pananampalataya).”
Muslim

Magkagayunman, ang pagtutuwid ng isang kamalian ay maaaring bigyang hangganan kung ang ibubunga nito ay magdudulot ng higit pang kasamaan.

Ang Relihiyong Islam, na ipinahayag kay Propeta Muhammad ay nagbibigay liwanag sa makataong karapatan batay sa Hadith na isinalaysay na may ganitong aral:

“Katotohanan, ang inyong dugo, ang inyong yaman at ng lahat ng inyong pinangangalagaang bagay ay ipinagbabawal sa bawat isa. Lahat ng mga ito ay banal katulad ng dakilang araw na ito, sa dakilang buwan na ito at sa dakilang pook na ito.”
Bukhari

Lahat ng karapatan ng tao ay naipahayag at nakatala dito sa (Farewell Pilgrimage Speech) Huling Pananalita ng Sugo ng Allah bago siya pumanaw. Ang Islam, sa kabuuan nito, ay nagtatag ng lahat ng batas at alituntunin upang mapanatili ang karapatan ng tao at pangalagaan ito sa lahat ng pagkakataon. Ito ay nagbibigay babala rin ng malaking kaparusahan sa mga taong sumusuway.

Ang sumusunod na paksa ay humahalaw tungkol sa “Declaration of Human Rights” na tinalakay sa isang pagpupulungan na ginanap sa lungsod ng Cairo (Egypt). Mahalagang isaalang-alang na ang mga nakatalang mga karapatan ng tao sa Deklarasyong ito ay pawang mga pamantayan (guidelines) at pangkalahatang alituntuinin (general rules) lamang. Ang mga karapatan ng tao, ayon sa Islam, ay magkakaugnay sa isa’t isa katulad ng isang tanikala na matatag na kumakawing sa bawat isa.

Ang pangkalahatang prinsipiyo o simulain at mga alituntuning nakaugnay sa bawat karapatan ng tao sa Relihiyong Islam ay nahahati sa ibang uri o pangkat. Kaalinsunod nito, ang mga mabababang uri o pangkat nito ay nahahati rin sa iba pang kasunod na pangkat. Ito ay nangangailangan ng mahabang pagpapaliwanag kung nais nating talakayin ang mga ito sa detalyadong pagsusuri.

Samakatuwid, atin lamang bibigyan ang mga ito na mga pahapyaw na paliwanag. Para sa karagdagang pagsusuri, ang isang mambabasa ay maaaring magsikhay ng mga kaalaman mula sa mga aklat tungkol sa Karapatan ng Tao. Higit na magandang sabihin na, “Ang Islam ay ipinagkaloob ng Allah (Diyos na Makapangyarihan) upang panatilihin ang lahat ng karapatan ng tao at gawing panatag at masaya ang pamumuhay ng sangkatauhan dito sa mundo maging sa kabilang buhay.