Ang Islamikong Pagpapahayag ng mga Karapatan ng Tao

Ang Makapangyarihang Allah ay nagpahayag mula sa Banal na Qur’an:

“O Sangkatauhan! Nilikha Namin kayo mula sa isang pares ng lalaki at babae, at ginawa Namin kayo na maraming bansa at mga tribo upang magkakila-kilala ang bawat isa sa inyo (at hindi upang hamakin ang bawat isa). Katotohanan ang pinakamarangal sa inyo sa paningin ng Allah ay yaong sumasampalataya na may Taqwa (ang may takot sa Allah at gumagawa ng lahat ng uri ng kabutihan na ipinag-uutos sa kanya). Katotohanan ang Allah ay tigib ng Kaalaman at lubos na Nakababatid sa lahat ng bagay.”
Qur’an 49:13

Ang mga kasaping bansa ng “Islamic Congress Organization”, sa pagkakaroon ng pananalig sa Allah, ang Tagapaglikha ng lahat ng nilikha, ang Tagapagbigay ng lahat ng Kabuhayan, Siya na lumikha sa tao sa pinakamagandang ayos at anyo at binigyang karangalan sa pamamagitan ng pagtatakda sa kanya bilang Kanyang Khalifa (tagapamahala sa lupa). Pinagkatiwala sa tao ang pananatili, pagpapaunlad ng lupang inihanda para sa kanya. At upang makatupad ang tao sa pagpapaunlad ng daigdig, ipinagkaloob sa kanya ang mga Banal na Kautusan at Tungkulin at gamitin ang lahat ng bagay dito sa mundo upang kanyang magampanan ang pananagutang iniatang sa kanya.

Ang paniniwala at pagsunod sa mensahe ni Propeta Muhammad , na siyang pinili ng Allah (Diyos na Makapangyarihan) na may dalang patnubay at Tunay na Relihiyon (Tamang Pamamaraan ng Buhay) sumasagisag bilang Awa sa Sangkatauhan. Siya ang tagapagpalaya ng lahat ng alipin, ang Tagapagsira ng mga mapang-abuso at mapang-aping tao sa mundong ito. Ang Sugo ng Allah ay tunay na nagpahayag ng isang makatarungang Batas sa lahat ng uri ng tao. Walang pagkakaiba ang bawat tao maliban lamang sa antas ng kabutihan (o kabanalan). Ang Sugo ng Allah ay ganap na pinawalang saysay ang lahat ng uri ng (diskriminasyon) pagkakaiba na namamagitan sa mga tao na nilikha ng Allah (Diyos na Makapangyarihan) mula sa iisang kaluluwa.

Batay sa wagas na pananampalataya sa Nag-iisang Diyos- (Ang Allah) na siyang haligi ng Islam, ang lahat ng tao ay tinatawagan at inaanyayahan na sambahin ang Nag-iisang Diyos, na huwag magbigay ng anumang katambal sa pagsamba sa Kanya bilang Nag-iisang Diyos at huwag magtayo ng anumang bagay na sasambahin bukod sa Allah (Diyos na Makapangyarihan). Itong pananampalatayang ito ang siyang tumatayong moog para sa Kalayaan at Dangal ng tao at siya ring nagpahayag sa kalayaan ng tao mula sa pagkakaalipin at pagkakagapos nito sa kapwa niya tao.

Bukod pa rito, ang Shariah (Islamikong batas) ay nagsilbing daan para sa pananatili ng wagas na pananampalataya, malinis na kaluluwa, kaisipan, karangalan, at mabuting lahi ng sangkatauhan. At batay sa malawak at katamtamang pamamaraan ng pagpapatupad ng alituntunin, mungkahi, paghuhusga at paglalapat ng parusa ng Shariah, na kung saan ang kaluluwa, damdamin, kaisipan, katuwiran ay iginagalang at pinararangalan.

Upang bigyang-diin ang kahalagahan ng kultura at kasaysayang pananagutan ng pamayanang Muslim, ang mga bansa ay gumanap sa mahabang kasaysayan ng tao sa mundong ito, sapagkat ang Allah (Diyos na Makapangyarihan) ay itinakda ang pamayanang Muslim (Ummah) bilang pinakamabuti sa lahat ng mamamayan. Itinakda Niya ang Sangkatauhan bilang tagapagmana ng isang pamayanang pantay, matatag at pangkalahatang kabihasnan at kultura na umuugnay sa buhay sa mundo at maging sa kabilang buhay. Ang Pamana ng Pamayanang Muslim (Ummah) ay tumutugma at umaalinsunod sa larangan ng Agham (Science) at Relihiyon (Pananampalataya). Sa ngayong makabagong panahon, ang pamayanang Muslim ay gumaganap din bilang tagapatnubay sa mga naliligaw ng landas. Ang ibang tao ay naliligaw dahil na rin sa agos at takbo ng nagpapaligsahang anyo ng materyalistikong pamumuhay.

Sa pagkilala sa makataong pagpupunyaging nakaugnay sa karapatan ng tao na nagpapangalaga sa kanya laban sa masamang pakikisalamuha, ang mga paglabag o pagsuway at pang-aabuso at may layong bigyang pansin ang kalayaan ng tao at ang karapatan nito para sa isang kaaya-aya at marangal na pamumuhay at maaliwalas na kalagayan, ito ay nararapat na umaalinsunod at umaayon sa Islamikong Shariah.

Sa kabila ng naglalakihang kaunlaran ng sangkatauhan sa larangan ng pangmateryal na pamumuhay, inilarawan pa rin namin ang isang dakilang pangangailangan para sa ispirituwal na kaunlaran batay sa pananampalataya upang higit na bigyang katatagan o pangangalaga ang lahat ng natamong kaunlaran sa nagbabagong aspeto ng kabihasnan. Ito ay isang pangangailangan upang mapangalagaan ang bawat karapatan ng tao sa kanyang lipunan.

Kami ay naniniwala (at nananalig), na ayon sa aral ng Islam, na ang pangunahing (basic) karapatan at pampublikong kalayaan ay malaking bahagi ng Islamikong Paniniwala at Pananampalataya. Walang sinoman ang makapipigil ng mga ito, maging isa man sa mga ito o ang kabuuan nito. At kami rin ay naniniwala na sinoman ay walang karapatan na suwayin o sirain o talikdan ang mga bagay na ito. Ang mga karapatang ito ay mga banal at maka-diyos.

Ito ay ipinahayag mula sa mga Propeta ng Diyos sa lahat ng mga Banal na Kasulatan o Kapahayagan. Katotohanan nito, sinugo ng Allah (Diyos na Makapangyarihan) si Propeta Muhammad bilang Huling Propeta sa sangkatauhan na binigyang ganap ang lahat ng mensahe ng mga naunang Propeta at Sugo. Ang mensahe ng lahat ng Propeta ay binubuo ng mga kaukulang karapatan ng tao at ang bawat karapatan nito ay isinasaalang-alang bilang mga uri ng pagsamba. Ang pagsasawalang bahala o pagtalikod sa mga karapatang ito ay isang kasalanan ayon sa aral ng Islam. Ang pamayanang Islam ay may pananagutan sa lahat ng mga karapatang ito.

Batay sa nabanggit sa itaas, ang mga kasaping bansa ng “Islamic Congress Organization” ay nagpahayag ng mga sumusunod:

Haligi Bilang 1

1. Ang buong sangkatauhan ay binubuo ng isang malaking angkan. Sila ay nagkakaisa sa ilalim ng bandila na nagsasaad na lahat ng tao ay alipin ng Nag-iisang Allah (Diyos na Makapangyarihan) at sila ay mga anak ni Adan. Ang lahat ng tao ay pantay-pantay sa makataong dangal at puri. Ang lahat ng tao ay pantay-pantay sa larangan ng pananagutan. Walang lahi, kulay, wika, kasarian, pananampalataya, politikong pangkat, kalagayan sa lipunan ang maaaring magbigay pagtatangi o kaibahan kaninuman. Ang tunay at makatuwirang paniniwala ang siyang tanging katiyakan upang makamtan ang kaunlaran ng makataong dangal sa makataong pakikisalamuha.

2. Lahat ng tao ay tumatayo bilang pamilya ng Diyos. Ang isang natatangi ay yaong siyang pinakamabuti sa lahat. Walang pagtatangi sa isa’t isa maliban sa kabanalan at gawaing mabuti.

Haligi Bilang 2

1. Ang buhay ay isang handog ng Allah (Diyos na Makapangyarihan). Ito ay pagpapala sa bawat tao. Lahat ng kasapi ng isang lipunan, at lahat ng bansa at bayan ay nararapat na pangalagaan ang karapatang ito laban sa lahat ng uri ng pang-aapi o panghahamak. Walang buhay ang maaaring kitlin malibang ito ay may lakip ng kaukulang lapat ng batas.

2. Hindi makatarungan na gumamit ng anumang bagay o pamamaraan upang lipulin ang lahi ng sangkatuhan.

3. Ang pananatili at pangangalaga ng buhay ng tao ay (Batas) Shariah, pananagutan (at) tungkulin.

4. Ang kasarinlan ng tao ay dapat igalang. Walang sinoman ang may karapatang lupigin ang kasarinlan nito. Ang pamahalaan ay nararapat na pangalagaan ang karapatang ito.

Haligi Bilang 3

1. Habang ginagamit ang lakas, o sa panahon ng pakikipagdigma, hindi makatarungang kitlin ang buhay ng mga nasasangkot sa patayan. Ang mga matatanda, mga babae, bata, may sugat at maysakit ay may karapatang gamutin. Ang mga nadakip na kalaban ay may karapatang pakainin, bihisan at bigyang tirahan. Ipinagbabawal ang putul-putulin ang mga biktima ng digmaan. Ang mga bilanggo ng digmaan sa magkabilang panig ay dapat na magpalitan. Ang mga pamilya na nagkahiwa-hiwalay ay may karapatang magsamang muli.

2. Ipinagbabawal ang putulin ang mga punong kahoy, sirain ang mga pananim o mga hayupan, sirain ang mga gusali at pampublikong gamit ng mga kaaway.

Haligi Bilang 4

1. Bawat tao ay may karapatan sa kanyang sariling dangal at pagkatao habang siya ay nabubuhay at maging sa kanyang kamatayan. Ang pamahalaan at maging ang lipunan ay nararapat na pangalagaan ang labi at libingan ng namatay.

Haligi Bilang 5

1. Ang pamilya ay isang pangunahing yunit ng isang lipunan. Ang pag-aasawa ang siyang batayan ng pagbuo o pagtayo ng isang pamilya. Ang lalaki at babae ay may karapatan para sa pag-aasawa. Walang pagbabawal ang dapat itakda upang pigilan sila sa pag-aasawa batay sa lahi, kulay o pinagmulan.

2. Ang pamahalaan at lipunan ay nararapat kumilos upang alisin ang pumipigil sa pag-aasawa ng sinoman. Higit sa lahat, sila ay nararapat magbigay pangangalaga para sa pamilya.

Haligi Bilang 6

1. Ang babae ay kapantay ng lalaki sa larangan ng dangal at tiwala. Siya ay may pantay na karapatan at pananagutan. Siya ay may karapatan para sa kanyang sariling katauhan, kalayaang pananalapi at may karapatang panatilihin ang kanyang pangalan at apelyido.

2. Ang lalaki ay nararapat na pangalagaan ang lahat ng pangangailangan ng kanyang pamilya at nararapat na ipagkaloob ang lahat ng kaukulang pagmamahal.

Haligi Bilang 7

1. Bawat isinilang na bata ay may karapatan sa kanyang mga magulang, lipunan at pamahalaan ng karampatang pag-aaruga, pagpapalaki, pangangalagang pangmateryal, pag-aaral at moral na pag-aasikaso. Ang sinapupunan at ang ina ay nararapat din bigyan ng natatanging pangangalaga.

2. Ang magulang at tagapangalaga (guardians) ay may karapatang piliin ang uri ng pagpapalaki na nais nila sa kanilang mga anak. Gayun pa man, ang kabutihan at kinabukasan ng mga bata ay dapat na isinasaalang-alang sa pananaw ng moral at prinsipiyo at aral ng Shariah.

3. Ang magulang ay may sariling karapatan sa kanyang mga anak. Ang mga kamag-anakan ay mayroon ding sariling karapatan sa kanilang mga sarili batay sa Batas at prinsipiyo ng Shariah.

Haligi Bilang 8

1. Bawat tao ay may ganap na karapatang isagawa o tuparin ang lahat ng gawain at tungkulin. Kung ang isang tao ay wala ng kakayahang isagawa ng ganap ang kanyang karapatan, ang isang Wali (tagapangalaga) ay dapat na itakda para sa kanya.

Haligi Bilang 9

1. Ang paghahanap o pagsisikhay ng kaalaman (edukasyon) ay isang tungkulin. Ang pagbibigay ng edukasyon ay isang pananagutan na nakaatang sa balikat ng lipunan at pamahalaan. Ang pamahalaan ay dapat na bigyang katiyakan ang paraan ng edukasyon at lahat ng uri ng gamit pang-edukasyon upang paglingkuran at bigyang kabutihan ang lahat ng kasapi ng lipunan. Ang edukasyon ay nararapat na may kakayahan matutuhan ng isang tao ang Islam bilang relihiyon at pamamaraan ng buhay, at ang lahat ng bagay na nakaugnay dito upang kanyang magamit ito sa materyalistikong kapakinabangan ng sangkatauhan.

2. Bawat tao ay may karapatan para sa lahat ng mga organisasyong pang kaalaman (educational organisation) tulad ng pamilya, paaralan, mataas na pamantasan at maging ang media. Ang mga samahang ito ay nararapat na mag-alay ng pagsasanay tungkol sa materyal at pangrelihiyong kaalaman sa paraang pantay at matatag upang ang katauhan at pag-uugali ng tao ay umunlad kaalinsabay ng pagpapatibay ng kanyang paniniwala sa Diyos na Maykapal (Ang Allah, U ). Gayon din naman, matutuhan nito ang tamang paggalang at pananagutan sa kanyang kapwa tao.

Haligi Bilang 10

1. Bawat tao ay nararapat sumunod sa likas na relihiyon. Samakatuwid, walang sinoman ang dapat pigilin o pilitin sa anumang bagay na laban sa kanyang kalooban o nais. Walang sinoman ang dapat magsamantala sa kahirapan, kahinaan o kamangmangan upang baguhin ang kanyang relihiyon o gawin itong walang paniniwala sa Diyos.

Haligi Bilang 11

1. Ang tao ay isinilang na malaya. Walang sinoman ang dapat umalipin sa kanya, hiyain, pagsamantalahan o alipustain siya. Walang pangaalipin maliban sa pagpapaalipin sa Allah, Ang Makapangyarihang Diyos ng lahat ng nilikha.

2. Lahat ng uri ng panlulupig ay ganap na ipinagbabawal (at pinatitigil). Ang panlulupig ay siyang pinakamasamang uri ng pagpapaalipin. Ang mga taong nasa kalagayan ng pagpapaalipin ay may karapatang bigyang laya ang sarili mula sa panlulupig. Ang ganitong uri ng tao ay may karapatang magsikhay ng sariling kapalaran. Lahat ng tao ay nararapat magkaisa sa pagtataguyod ng makatarungan at pantay na pakikibaka laban sa lahat ng uri ng panlulupig at pananakop. Lahat ng tao ay may karapatang panatilihin ang kanilang kalayaan at kasarinlan at maging ang kanilang pagkatao at sariling likas na yaman.

Haligi Bilang 12

1. Bawat tao ay may karapatang kumilos ng malaya sa pamamagitan ng pagpili kung saan nila nais mamuhay para sa kanilang mga sarili na sakop ng kanilang bansa at maging sa labas ng kanilang bansa. Subalit, kung ang isang tao ay hindi ligtas sa kanyang sariling bansa, siya ay may karapatang humingi ng pag-ampon (asylum) sa ibang bansa. Ang bansa na nagbigay ng pag-ampon (asylum) ay nararapat na pangalagaan ito maliban kung ang dahilan ng pag-ampon (asylum) ay nakaugnay sa krimen.

Haligi Bilang 13

2. Ang pamahalaan at ang lipunan ay nararapat bigyang katiyakan ang hanapbuhay ng bawat may kakayahang tao. Bawat tao ay nararapat madama ang kalayaang pumili ng pinakaangkop na gawain para sa kanyang kabutihan at maging sa kabutihan ng lipunan. Ang isang manggagawa ay nararapat na tamasahin ang kanyang karapatan sa paraang may kaligtasan at kapanatagan. Ang isang manggagawa ay hindi dapat ilagay sa gawaing hindi niya makayanang gawin at hindi rin dapat piliting gawin ang isang bagay laban sa kanyang kalooban. Siya ay hindi dapat saktan o pagsamantalahan. Ang lalaki at babaeng manggagawa ay may karapatan sa makatarungang sahod. Hindi dapat maantala ang pagpapasahod sa kanila. Siya ay dapat bigyan ng panahong makapagpahinga (vacation leave), mga gantimpalang pampasigla (incentives) at ibang uri ng kasiyahang pananalapi. Ang manggagawa ay nararapat namang ilaan ang kanyang katapatan sa mga gawaing iniatang sa kanya. Kung may di pagkakaunawaan sa pagitan ng manggagawa at tagapangasiwa, ang pamahalaan ay dapat na mamagitan upang maisaayos ang suliranin ng bawat isa, alisin ang pang-aabuso, gawing makatarungan at pilitin ang magkabilang panig na tanggapin ang pantay at makatarungang kapasiyahan nito ng walang pagkiling.

Haligi Bilang 14

1. Bawat tao ay may karapatan para sa isang malinis at makatarungang pagkakakitaan (income). Walang monopolisasyon ng anumang bagay, pandaraya, pananakit sa sarili o sa kapwa at pagpapatubo (interest). Katunayan, ang lahat ng kasamaang nabanggit ay pinagbabawal ng batas.

Haligi Bilang 15

1. Bawat tao ay may karapatan para sa sarili ng pagkakaroon ng ari-arian. Ang karapatang ito ay nararapat na hindi nakakasakit sa kaninuman maging sa kanyang sariling kaluluwa. Ang pansariling ari-arian ay hindi dapat alisin maliban lamang sa kapakanan ng lipunan at pantay na kapakinabangan ng bawat mamamayan.

2. Walang pansariling yaman ang dapat na kumpiskahin na hindi sumasailalim sa makatarungang dahilan at batas.

Haligi Bilang 16

1. Ang bawat tao ay may karapatang makinabang mula sa bunga ng lahat ng uri ng kabuhayan o kalakalang pinagpaguran. Lahat ng uri ng kabuhayan ay dapat na pangalagaan maliban kung ang mga ito ay hindi ipinagbabawal ng Shariah ng Islam.

Haligi Bilang 17

1. Bawat tao ay may karapatan para mabuhay sa malinis na kapaligiran at malayo sa katiwalian. Ang ganitong kapaligiran ay nararapat ipagkaloob sa mamamayan upang higit niyang mapaunlad ang kanyang moral na pag-uugali at kilos.

2. Ang pamahalaan at ang lipunan ay nararapat na ipagkaloob sa bawat tao ang mahusay na pangangalaga sa kalusugan sa pamamagitan ng pagkakaroon ng mga pagamutang kagamitan batay sa kakayahan nito.

3. Ang pamahalaan ay nararapat tiyakin ang kalagayan ng bawat mamamayan at ang pamilya nito. Ang karapatang ito ay binubuo ng kaayusan sa pananamit, edukasyon, pagamutan at ibang pangunahing pangangailangan.

Haligi Bilang 18

1. Bawat tao ay may karapatan sa buhay at katiwasayan sa lipunan na umuugnay sa kanyang sarili, relihiyon at pananampalataya, pamilya, dangal at pananalaping pag-aari.

2. Bawat tao ay may karapatan sa pansariling gawain sa larangan ng pamamahay, pamilya, pananalapi at pakikipag-ugnayan. Walang espiya o paniniktik laban kaninuman. Walang pang-aalipusta sa kaninuman. Karagdagan, ang iba ay dapat na pangalagaan ang bawat tao laban sa di makatarungang pakikialam.

3. Ang pribadong tahanan at pagpasok sa mga pribadong paninirahan ay nararapat na may kapahintulutan ng mga naninirahan. Ang pribadong tahanan ay hindi dapat gibain o sirain, angkinin o ang naninirahan ay itaboy ng walang makatarungang dahilan.

Haligi Bilang 19

1. Lahat ng mamamayan- (ang punong bayan at ang mga taong kinasasakupan) ay nararapat na tumanggap o lumasap ng pantay at makatarungang mga karapatan.

2. Bawat mamamayan ay may karapatang humingi o magsikhay ng makatarungang hukom o paglilitis para sa kanilang mga isinampang kaso.

3. Ang pananagutan ay pansarili.

4. Ang krimen at parusa ay batay sa mga Batas at Kautusan ng Shariah.

5. Bawat nasasakdal ay walang kamalayan hanggang ito hindi napatunayang nagkasala. Ang pantay na pag-uusig ay kailangan upang bigyang katiyakan na ang ganap na pagtatanggol ay naipagkaloob.

Haligi Bilang 20

1. Walang sinoman ang dapat dakpin o pigilin ang kalayaan, ikulong o parusahan ng walang sapat na makatarungang pagsisiyasat. Ang sinomang tao ay hindi dapat pumailalim sa pisikal o sikolohikal na pananakit o maging panghihiya sa kanya. Walang sinoman ang dapat pumailalim sa medikal na pagsusuri ng walang kapahintulutan mula sa kanya at hindi magbubunga ng masama sa kanyang kalusugan. Hindi rin ipinahihintulutang magkaroon ng awtoridad ang isang tao upang magbigay ng natatanging batas.

Haligi Bilang 21

1. Ipinagbabawal na gawing bihag (hostage) ang sinoman sa anupamang layunin at anumang uri nito.

Haligi Bilang 22

1. Bawat mamamayan ay may karapatang magsalita ayon sa kanyang sariling kaisipan o opinyon kung hindi ito sumasalungat sa mga prinsipiyo at Batas ng Shariah.

2. Bawat mamamayan ay may karapatang manghikayat gumawa ng kabutihan at magbawal ng kasamaan alinsunod sa Batas at Prinsipiyo ng Shariah.

3. Ang media at inpormasyon ay mahalaga sa isang lipunan. Ang media ay hindi dapat abusuhin, o gamitin sa pagsasamantala sa dangal ng mga Propeta o Sugo ng Allah o gumawa ng mga imoral at katiwaliang gawain. Lahat ng panganib o paksang makasisira sa pagkakaisa ng isang lipunan ay dapat ipagbawal na ipahayag.

4. Ipinagbabawal ang pagkakaroon ng malakihang pagkakaaway-away o anomang uri ng pagkakahidwaan.

Haligi Bilang 23

1. Ang pangangalaga (guardianship) ay isang tiwala na hindi dapat sirain o talikdan. Ang pagtalikod dito ay ganap na ipinagbabawal upang bigyang katiyakan ang mga pangunahing karapatan ng tao.

2. Bawat mamamayan ay may karapatang makilahok sa pampublikong pamamahala ng kanyang bansa, tuwiran man o di tuwiran. Lahat ng mamamayan ay may karapatang humawak ng tungkuling pampubliko (public office) batay sa Batas ng Shariah at alituntunin.

Haligi Bilang 24

1. Lahat ng karapatan at kalayaan na nakatala sa “Declaration of Human Rights” ay maliwanag at makatuwiran na nakapailalim sa hangganan ng Batas ng Shariah at ng mga prinsipiyo nito.

Haligi Bilang 25

1. Ang batas ng Shariah at ng mga prinsipiyo nito ang siyang tanging batayan para sa pagpapaliwanag ng alinman sa mga haligi ng deklarasyong ito.

Cairo, 14 Muharram, 1411 H.

Tumutugma sa: Mayo 8, 1990.

Ang pagtanggap at pagkilala sa naturang mga karapatan na binanggit sa itaas ay tamang daan upang makapagpatayo ng isang tunay na Islamikong Lipunan na maaaring ilarawan ayon sa sumusunod(Ang mga sumusunod ay hinango mula sa- The Islamic International Declaration of Human Rights.):

1. Ito ay isang lipunan na bawat mamamayan ay pantay. Walang sinoman ang nakakataas batay sa kanyang pinagmulang lahi, kulay o wika.

2. Ito ay isang lipunan na nakaukit ang pagkakapantay-pantay (katarungan) bilang pamantayan ng lahat ng karapatan at pananagutan at tungkulin. Ang pagkakapantay-pantay ay nag-ugat mula sa pinagkaisang lahi ng sangkatauhan. Ang Makapangyarihang Allah ay nagpahayag mula sa Banal na Qur’an:

“At tunay nga na Aming pinarangalan ang mga anak ni Adan; pinagkalooban ng masasakyan sa mga lupain at karagatan; At Amin silang ginawaran ng kabuhayan na mabuti at wagas; at Amin silang pinagpala ng higit sa maraming nilikha na may tanda ng pagtatangi.”
Qur’an 17:70

3. Ito ay isang lipunan na kung saan ang kalayaan ng tao ay nakaugnay sa kanyang buhay. Ang tao ay isinilang na malaya. At sa kanyang kalayaan, ang kanyang pamumuhay ay may katiyakan. Ang tao ay nararapat ligtas laban sa pang-aabuso, paniniil, panghihiya at pang-aalipin.

4. Ito ay isang lipunan na tumayo mula sa pamilya. Ang huli ay gumaganap bilang pamantayan. Ito ay nagbibigay ng kaunlaran at katatagan.

5. Ito ay isang lipunan na ang mga pinuno at ang mga kinasasakupan nito (mga mamamayan) ay pantay sa paningin ng Shariah. Ang huli ay mula sa Kautusan ng Tagapaglikha. Ang diskriminasyon ay walang puwang sa lipunang ito.

6. Ito ay lipunan na ang kapahintulutan at kapangyarihan ay itinuturing bilang isang pagtitiwala (trust) na ipinagkaloob sa pinuno upang makamtan ang layuning nakasalig sa Batas ng Shariah.

7. Ito ay isang lipunan na bawat mamamayan na naniniwala at nananalig sa Allah, U (Ang Nag-iisang Tunay na Diyos na Dapat Sambahin) bilang siyang Nagmamay-ari ng buong santinakpan. Bawat mamamayan ay naniniwala ng lahat ng bagay dito sa santinakpan ay ipinagkaloob ng Allah (Diyos na Makapangyarihan) bilang pagpapala samakatuwid dapat na gamitin ng lahat ng nilikha sa paraang mabuti at makatarungan. Lahat ng mga ito ay isinasaalang-alang bilang handog ng Allah . Ang Allah (Diyos na Makapangyarihan) batay sa Banal na Qur’an ay nagsabi:

“At Kanyang ipinagkatiwala sa inyo mula sa Kanya, ang lahat ng nasa mga kalangitan at kalupaan: Pagmasdan! tunay na naririto ang mga palatandaan para sa (mga taong) nag-iisip.”
Qur’an 45:13

8. Ito ay isang lipunan na bawat alituntuning naglalayong pamahalaan ang mga pampublikong gawain (public affairs) ay batay sa Prinsipiyo ng Sanggunian. Ang Allah (Diyos na Makapangyarihan) ay nagsabi:

“Yaong tumatalima (sumusunod sa kautusan) sa kanilang Panginoon, at nagsasagawa ng palagiang pagdarasal, at sila ang namamalakad ng kanilang mga gawain sa pamamagitan ng pinagkaisang sanggunian; na gumugugol ng anumang kabuhayang ipinagkaloob Namin sa kanila.”
Qur’an 42:38

9. Ito ay lipunan na nagkakaloob ng lahat ng pagkakataon sa lahat ng mamamayan ayon sa kanilang talino at kakayahan. Ang mga mamamayang ito ay may tungkulin (at pananagutan) sa kanilang lipunan tungkol sa kanilang gawain. Ito ay batay sa isang Hadith ng Sugo ng Allah na isinalaysay ni Muslim:

“Bawat isa sa inyo ay isang pastol at bawat isa ay may tungkuling alagaan ang kanyang mga tupa.”

10. Ito ay isang lipunan na ang pinuno at mamamayan ay pantay na haharap sa Hukuman.

11. Ito ay isang lipunan na bawat mamamayan ay kumakatawan sa bawat kaisipan ng lipunan. Bawat mamamayan ay may karapatang lumapit sa hukuman at maghain ng karaingan laban sa anumang gawang krimen. Ang mga mamamayan ay may karapatang humingi ng pagtataguyod sa ibang mamamayan.

12. Ito ay isang lipunan na tinatalikdan ang lahat ng uri ng pang-aabuso at panghahamak. Ito ay isang lipunan na nangangalaga sa kalayaan, kaligtasan, karangalan at katarungan para sa lahat. Ito ay isang lipunan na kumikilala at sumusunod sa Batas ng Shariah.

13. Ang Katangian ng mga Karapatan ng Tao sa Batas ng Shariah ay ang mga sumusunod:

  1. Ang Karapatan ng Tao batay sa Batas ng Shariah ay Banal. Ito ay hindi nagmula o nag-ugat sa kaninomang tao na may impluwensiya sa sariling layunin o adhikain, sariling kapakinabangan o pansariling pagnanasa.
  2. Ang Mga Karapatan ng Tao ay umuugnay sa kanyang Islamikong Pananampalataya at Paniniwala. Ito ay pinangangalagaan sa pamamagitan ng Banal na Paghuhukom. Samakatuwid, anumang pagsuway sa mga karapatang ito ay hayagang pagsuway sa Banal Na Kalooban ng Allah (Diyos na Makapangyarihan) at may nakalaang parusa sa Kabilang Buhay maging sa makamundong buhay.
  3. Ang mga Karapatang ito ay malalawak at umaangkop ayon sa likas ng tao, umaalinsunod ayon sa kanyang kahinaan, kapangyarihan, karukhaan, kahirapan, kayamanan, karangalan at kahihiyan.
  4. Ang mga Karapatang ito ay angkop sa bawat tao na nasa ilalim ng Islamikong Pamamahala at Batas maging anuman ang kanyang kulay, lahi, relihiyon, wika at katayuan sa lipunan.
  5. Ang mga Karapatan ng Tao ay hindi nagbabago sa anumang panahon, pook o kalagayan at pangyayari. Sinomang tao o lipunan ay hindi makapagbabago ng mga ito.
  6. Ang mga Karapatang ito ay sapat upang makapagpatayo o makapagtatag ng isang lipunan na naghahandog ng isang mabuti at marangal at wagas na buhay sa bawat mamamayan. Ang mga karapatang ito ay sumasagisag bilang Awa mula sa Allah, ang Panginoon ng lahat ng nilikha at nakalaan para sa kabutihan ng sangkatauhan. Ang mga karapatan ng tao ay nagsisilbing gabay sa pananatili ng politikal, panlipunan, moral at pangkabuhayang karapatan ng sangkatauhan.
  7. Ang mga karapatan ng tao ay nakahangga at umaayon sa mga pangunahing batas ng Shariah at Prinsipiyo. Ito ay hindi nakasisira sa kapakanan ng lipunan at sa kabutihan nito. Halimbawa, ang kalayaan sa sariling opinyon at ang pananalita ay nagbibigay katiyakan o pangangalaga sa bawat mamamayan. Bawat mamamayan ay may karapatang ipahayag ang nasa kalooban at may karapatang ipamahagi ang katotohanan na walang pag-aalinlangan. Lahat ay may karapatang magbigay ng makatuwirang pagpapayo sa kapwa, hanggang ang mga payo ay para sa kabutihan ng lahat. Ang payo na ibinibigay ay maaaring tungkol sa pangmateryal na paksa o pang-relihiyong gawain. Mayroong hangganan na hindi maaaaring lumagpas upang maiwasan ang di kanais-nais na kalagayan sa isang lipunan.

Ang kalayaan para sa makabuluhang pakikipagtalakayan ay nararapat batay sa kaalaman at magandang payo. Ang Allah (Diyos na Makapangyarihan), ay nagpahayag tungkol sa paksang ito:

“Anyayahan ang lahat sa Landas ng iyong Panginoon ng may karunungan at magandang pananalita at makipagtalakayan sa kanila sa mga paraang mabuti at kaaya-aya: sapagkat ang iyong Panginoon ay nakakabatid ng higit kung sino ang naliligaw mula sa Kanyang Landas at sino ang tumatanggap ng Patnubay.”
Qur’an 16:125

Tumalima sa lahat ng pagkakataon sa mga pangunahin at mahahalagang prinsipiyo ng Islamikong Pananampalataya katulad ng paniniwala sa Allah (Diyos na Makapangyarihan) bilang Nag-iisang Diyos na dapat sambahin, ang katotohanan tungkol sa mensahe ng Allah (Diyos na Makapangyarihan) na ipinagkatiwala sa Huling Propeta, Muhammad at sa lahat ng makabuluhang paksang nakaugnay sa buhay ng tao.

Iwasan ang paggamit ng mga kalayaan sa paraang nakasasakit sa kapwa maging ito ay sa larangan ng materyal na pangkabuhayan o paksang relihiyon katulad halimbawa ng panghihiya sa tao, pagkalat ng mga nakakahiyang balita o mga lihim ng isang tao, paninirang puri o paghamak sa kapwa. Ang mga ganitong masamang gawain ay nakakasira sa ugnayan ng tao sa lipunan. Ang Allah (Diyos na Makapangyarihan) ay nagpahayag:

“Yaong nasisiyahan (na makita) ang eskandalong ipinagkalat at ipinamalita sa mga mananampalataya, sila yaong makararanas ng kasakit-sakit na parusa sa buhay sa mundong ito at sa Kabilang Buhay. Ang Allah ay nakababatid at (samantalang) ito ay hindi ninyo nababatid.”